Alaala

161

Alalahanin natin.

Alalahanin natin kung paano mo siya unang nasilayan.

Kung paanong mga kamay mo’y pinagpawisan.

Kung paano ka matunaw sa mga titig niyang malamlam.

Alalahanin natin.

Alalahanin natin kung paano ka nahulog sa kanyang mga ngiti.

Kung paano ka kiligin at hindi mapakali.

Kung paano ka sobrang magpigil dahil gusto mo nang tumili.

Alalahanin natin.

Alalahanin natin kung paano niya sinabing mahal ka niya.

Kung paano niya sinabing ikaw lang at walang iba.

Kung paano mo binigay ang buong puso mo sa kanya.

Alalahanin natin.

Alalahanin natin kung paanong nagdaan ang inyong masasayang araw.

Kung paano kayo sabay na kumanta at sumayaw.

At kung paano ring pagmamahal niya sa iyo’y unti-unting pumanaw.

Biglaan na lang.

Biglaan na lang siyang nagbago.

Bigla na lang nag-iba ang pakikitungo niya sa’yo.

At di mo alam kung papaano.

Ngayon, wala na siya.

Wala na yung dating siya.

Wala na yung pag-aalaga niya.

Wala na yung pag-ibig na dati’y pinagsasaluhan niyong dalawa.

Huwag kang mag-alala.

Huwag kang mag-alala kung gigising ka sa umaga na wala ang good morning niya.

Huwag kang mag-alala kung ngayon ay kakain ka na lang na mag-isa.

Huwag kang mag-alala kung ikaw na lang ang kumakanta sa theme ninyong dalawa.

Huwag kang mag-alala.

Huwag kang mag-alala kahit naglalakad ka na lang mag-isa.

Huwag kang mag-alala kung wala kang masandalan kapag inaantok ka.

Huwag kang mag-alala kung walang pumupunas sa luha mo kapag umiiyak ka.

Huwag kang mag-alala.

Huwag kang mag-alala kung may iba nang nagpapasaya sa kanya.

Huwag kang mag-alala kung ibang kamay na ang kahawak niya.

Huwag kang mag-alala kung may mahal na siyang iba.

Hindi mo kailangang mag-alala.

Hindi mo kailangang mag-alala kung binabaliwala ka na niya.

Hindi mo kailangang mag-alala kung iba na ang ka-iloveyouhan niya.

Hindi mo kailangang mag-alala sapagkat makakalimutan mo rin siya.

Siya, na dati’y dahilan ng iyong pagbungisngis.

Ay siya ring dahilan ng iyong pagtangis.

Siya, na dati’y nagpapasaya sa iyo ng labis.

Ay siya ring dahilan ngayon ng iyong paghapis.

Ngayon, itigil mo na ang pag-aalala at pag-alala.

Ngayon, itigil mo na ang pag-iisip sa sakit na idinulot niya.

Ngayon, oras na para bumangon ka.

Ngayon, panahon mo na para muli kang sumaya.

Dahil darating ang araw na iyo’y muling maaalala.

Dahil darating ang araw na iyon ngunit masaya kana.

Sabay tatawanan mo na lang ang lahat.

Lahat ng dahilan kung bakit sa kanya’y ika’y nagpakatanga.

P.S: Kapag nasaktan ka, ‘wag kang iiyak. Sabihin mo lang dapat “ouch!”.