Ilang beses na ba akong nagpaalam?

Kahit hindi naman nagbabago ang tunay na pakiramdam

Sa pagtitiis at sakit ay wala kang alam

Sugatan at patuloy pang nasusugatan

Hirap na hirap na ang pusong nang-iwan

Nanghihinayang at walang wala nang ipaglalaban

Sumuko ka rin at paghihintay ay ipinagpaliban

May dumating lang, at lahat ng pangako mo ay iyong binitawan

Nainip ka agad, Hindi ka man lang nakapaghintay

O nagtanong man lang kung ano ang tunay

Sabagay, noon pa man ay nagmamadali ka na sa mga bagay bagay

Hindi lang din naman ako ang nagkamali at masisisi

Kailanman, hindi ko maiitama ang mali

Kailanman, ang mga nasabi ay hindi ko na mababawi

Kailanman, ang kinahinatnan ay hindi ko mapipili

At ang hindi nakalaan ay hindi maiipilit

Ayaw ko na! Ayaw ko na!

Tama na! Pwede ba!

Mga matang lumuluha, tumahan na.

Salamat at naimbento ang mga salita

Hanggang sulat na lang at tula

Mailalabas ang lahat dahil wala nang magagawa

Ang lahat, lahat, lahat! Hanggang sa wala nang matira

Kahit pa ang mga ala-ala

At muli ay babangon ako

Ang makikita mo na lang ay ang bagong ako

Na tunay nang masaya para sa’yo

Hindi, na tunay nang masaya para sa sarili ko

Dahil kinaya at nakaya ko

Hindi ako magiging katulad ng isang pelikula

Na, Nakalimutan kong Kalimutan Ka

Hindi, hindi na ako magpapadaya

Dahil alam kong kaya ko palang lumigaya

At oo nga pala, mayroon akong naala-ala

Mayroon akong una at tunay na pag-ibig na doon ay unang nagtiwala

Dahil ang alam ko, ang pag-ibig na ito ay mapagpalaya

Mayroon akong babalikan at tatanggapin ako ng buo umalis man ako o kung saan magpunta

Pero ngayon, sa pag-ibig na ito, ako ay muling mahigpit na kakapit

Upang ang pusong nasaktan at napagod ay mawala na ang sakit

Magpapahinga lamang saglit

At magpapatuloy pa rin sa buhay at aabutin ang mga pangarap

Hindi titigil, hindi maghihintay, hindi rin maghahanap

Ako ay mabubuhay sa kasalukuyan

Hanggang ang makita mo na lang ay ang bagong ako

Mag-isa, pero puno ng pagmamahal at tunay na masaya

Kahit wala ka.