Minsan sa buhay mo, may darating na isang tao. Isang tao na hindi mo inaasahang magbibigay kulay sa iyong buhay. Isang tao na hindi mo inaasahang paglalaanan mo ng oras at panahon. Isang tao na siyang magbibigay ngiti sa iyong mga labi at siyang bibihag sa iyong puso.

Dahil sa kanya, maiisip mong ang sarap pala magmahal. Dahil sa kanya, mararanasan mo ang sobrang saya.

Kapag nakausap mo na siya, mararamdaman mo ang mga paru-parong paikot-ikot sa iyong tiyan. Kapag nakausap mo na siya, para kang nasa ibang mundo at wala kang ibang maiisip kundi ikaw lang at siya.

Dahil sa kanya, marami kang bagay na magagawa na hindi mo inaasahang kaya mo palang magawa. Dahil sa kanya, marami kang bagay na isusugal, kasama na dito ang iyong puso. Dahil sa saya na nararamdaman mo sa kanya, hindi mo mamamalayan na unti-unti ka na pa lang nagmamahal sa kanya.

Tatanggapin mo siya ng buo at yayakapin mo ang mga kahinaan niya. Nakahanda kang maging lakas niya sa tuwing nanghihina siya. Nakahanda ka rin na punan ng pagmamahal mo ang lahat ng pagkukulang niya. Wala kang ibang makikita kundi ang pagmamahal mo sa kanya, hanggang sa, mabubulagan ka na ng sarili mong pagmamahal sa kanya.

Iisipin mo na natural lang ang masaktan kapag nagmamahal ka. Iisipin mo rin na hindi mo kayang bitiwan siya. Kasi, ang nasa isip mo lang ay ang isinisigaw ng puso mo na mahal mo siya.

Pero hindi lahat ng dumarating sa buhay natin ay nananatili. ‘Yong iba, dumarating pero umaalis din.

At kapag siya’y umalis na, para kang nagunawan ng mundo sapagka’t sa maiksing panahon, siya ang ginawa mong mundo.

Lahat ng saya na idinulot niya sa’yo ay mapapalitan ng sakit. Mahihirapan kang tanggapin at hindi mo alam kung paano ka magsisimula ulit. Madudurog ka sapagka’t ibinigay mo ng buo ang pagmamahal mo. Sobra-sobrang pagmamahal na akala mo ay masusuklian. Nakalimutan mong hindi naman siya driver ng isang pampasaherong Jeep, kaya kapag nagbigay ka ng sobra ay maaaring hindi ka masuklian.

Maiisip mo na lang, saan ka nga ba nagkamali?

Kung paano mo hindi inasahan ang kanyang pagdating, ay hindi mo rin inasahan ang kanyang pag-alis.

Akala mo wala nang katapusan ang saya na naramdaman mo sa kanya. Nakalimutan mo na ang lahat ng bagay ay may katapusan. Katulad ng isang musika, maganda at masayang pakinggan, ngunit mayroon pa ding katapusan.

Sa kanyang pag-alis, wala kang ibang magagawa kundi ang magtangis. Balikan mo man ng paulit-ulit ang inyong nakaraan, hindi na no’n mababago ang katotohanang ang nakaraan ay nakaraan na lang.

Maaaring magsisi ka dahil naibigay mo sa kanya ang lahat. Ngunit ang totoo ay hinihiling mo na siya’y bumalik at pawiin niya ang mga luhang inilagay niya sa iyong mga mata.

Aasa ka pa ba?

Minsan sa buhay mo, may darating na isang tao. Isang tao na hindi mo inaasahang magbibigay ng saya at lungkot; Isang tao na hindi mo inaasahang magbibigay ng pagmamahal at sakit.

Sa kanyang paglisan, ikaw ay parang mawawalan ng buhay. Ngunit alam mo bang minsan isang araw, may dumating para bigyan ka ng buhay?

Bago pa man dumating ang taong nagdulot sa’yo ng sakit, alam mo bang dumating na SIYA para bigyan ka ng pag-asa?

Bago pa man dumating ang taong binigyan mo ng pagmamahal, alam mo bang nasa sinapupunan ka pa lang ng iyong ina ay labis ka na NIYANG minamahal?

Bago pa man dumating ang taong pinaglaanan mo ng oras at panahon, alam mo bang ibinigay NIYA ang buhay NIYA sa’yo?

Hindi mo man SIYA bigyan ng halaga sapagka’t abala ka sa pagmamahal mo sa iba, alam mo bang ikaw para sa KANYA ay sobrang mahalaga?

Hindi man SIYA ang ginawa mong mundo sapagka’t nakatuon ka sa iba, alam mo bang ginawa NIYA ang mundo para sa’yo?

Hindi man SIYA ang unang pinaglaanan mo ng iyong puso sapagka’t nauna mo na itong ibigay sa iba, alam mo bang sa puso NIYA ikaw ang lagi nitong laman?

Nakahanda SIYANG tanggapin ka ng buo at yakapin ang mga kahinaan mo. Nakahanda SIYANG maging lakas mo sa tuwing nanghihina ka. Nakahanda rin SIYA na punan ang mga pagkukulang mo ng pagmamahal NIYA.

Kaya naman, huwag kang mawalan ng pag-asa kung ikaw man ay nabigo. Huwag kang matakot magmahal muli kung ikaw man ay nasaktan.

Hindi man SIYA ang dahilan ng iyong pagluha, nakahanda naman SIYANG pawiin ang mga ito.

Dahil ilang beses ka mang basagin ng mundo, kayang-kaya ka naman NIYANG buuin.

At nakahanda SIYANG ipaglaban ka, kahit ayaw mo na.