Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

“kapag sinukuan ka na ng lahat, ako yung huling taong hindi susuko sayo”

Alam nila na paulit-ulit kitang tinatanggi pero ang totoo paulit-ulit kitang iniintindi. Tahimik lang ako at ayaw kong magbitaw ng salita tulad ng ayaw kong pagbitaw sayo. Gusto pa kitang ipaglaban, ayaw kitang sukuan. Nais kong patuloy na isama ka sa panalangin.

Kaya lang baka bitawan na kita. Ang bigat-bigat sa pakiramdam. Sa tingin ko kahit mga titik nitong salita hindi kayang ipakita kung paano kita pinaglaban, at kung paanong hindi mo ito pinahalagahan.

Buong akala ko tutuparin mo yung kasunduan. Yung akala ko lang pala yung buo at hindi ang loob mo. Ano ba talaga yung totoo?

Teka mali, alam ko pala yung totoo. Ayaw ko lang tanggapin kase ang alam ko, ako pa rin yung babalikan mo. Ako lang. Ako ulit. Ako lagi. Ang totoo ako nga, ako nga yung ang tagal-tagal na naniwala na baka sa dulo ako na nga.

Hanggang sa nagising ako isang umaga. Binawi na pala sayo ang basbas ng aking pamilya. Sumuko na sila. Sumuko na yung mga taong unang nagbigay sayo ng alas. Dito na ba yung wakas?

Nakakaubos ng lakas. Gustuhin ko mang tumakas, ang hirap magpumiglas. Nakagapos ako sa pagitan ng irerespeto ko ba ang pamilya ko; o paninindigan ko ang laman ng puso ko na…

“kapag sinukuan ka na ng lahat, ako yung huling taong hindi susuko sayo”