Sabi nila, ang tunay mong nadarama, sa mga mata nakikita. Tama naman hindi ba? Mga matang kapag hindi na kaya pang makapagsalita ng bibig, siya namang magpapahiwatig. Na kapag ang isang tao hindi na kaya pang makapagpahayag ng anumang kalagayan nito, subukan mong tingnan siya sa kanyang mga mata, doon mo makikita ang tunay na kalagayan niya.

Mga mata na kapag ikaw ay masaya, guguhit ang munting ngiti na gaya ng ating mga labi. Ngunit sa kabila nito, kapag ikaw ay nalulungkot, sa puso ay magdudulot ng kirot. Kaya’t ang mga mata, kahit hindi naman inuutusan luluha na lang bigla. Siya namang magsisilbing daan upang maibsan, mabawasan man lang ang bigat sa kalooban.

Mga matang walang anu-ano’y naaabuso ng hindi mo nalalaman, hindi mo namamalayan. Kung nakapagsasalita lang siguro sila, kanina pang may sumigaw ng “Ayoko na, tama na!” kasi nga hindi na nila kaya. At ang totoo napapagod din silang talaga.

Pagod ng humalili sa bibig, sa tuwing ito’y hindi na makayanan pang makapagsalita’t makapagpahiwatig. Pagod ng ipakita sa kapwa mga matang nakatingin sa kanya kung ano ang tunay niyang nadarama. Kaya’t wala ng magawa pa kundi ang umiyak ng umiyak… ng umiyak. Hanggang sa mapagod at tuluyang yakapin ang kadiliman kasabay ng pagsara ng mga talukap sa magkabila.

At sa  huli , hahayaan na lang na maidlip upang panandaliang makalimot at kahit papaano’y makawala’t makapagpahinga mula sa lungkot at kirot.