Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

1 Juan 4:18-19

“Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa. Tayo’y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin.”

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Dear Rev,

Hindi ko alam na makakarating ako sa point na ito ng buhay ko, na ako ay gagawa ng isang open letter para sa iyo. Hindi naman kasi tayo magkakilala. Medyo awkward pa nga habang isinusulat ko ito ngayon dahil hindi ako sanay sa isang informal writing na katulad nito. Magkagayunpaman, hayaan mong ibuhos ko sa liham na ito ang lahat ng nais kong iparating sa’yo. Dahil marahil, never naman tayong magkakalapit o makakapag-usap pa.

Sa ating dalawa, siguro ay ako lang yung nakakakilala sa’yo at never mo akong natandaan, kasi sabi mo nga noon sa recollection para sa nakaraang Semana Santa, marami na ang may kilala sa iyo sa ating parokya. Dahil isa ka nang diyakono, na naka-assign sa ating Cathedral ngayon, at para na rin maglingkod sa ating obispo habang naghihintay ng schedule ng ordination mo para sa pagkapari.

Hindi naman talaga ako isang relihiyosang tao, sa totoo lang. Isa akong taong sobrang abala sa career goals ko, and also busy collecting memories everywhere. Inaamin ko na medyo napalayo ang loob ko sa simbahan simula nang maging abala ako sa trabaho ko sa Maynila, at lalo pa noong namatay ang aking ina. Kinain ako ng lungkot at nalugmok ako sa pagdadalamhati. Subalit totoo nga siguro, na lahat ay gagawin ng ating Diyos, manumbalik lamang sa Kanya ang mga naliligaw ng landas.

Alam mo ba na una kitang nakita sa mga pictures mo na kuha ng isang facebook friend natin? Napakagwapo at ang fresh mo sa suot mong alb and stole noong araw ng Biyernes Santo habang inaassist mo si bishop sa pagdiriwang ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus. Bagay na bagay sa’yo ang puting kasuotan na ‘yon. Para kang isang magnet na hindi ko kayang ialis sa isip ko. Nagsisi nga ako na pumunta na lang sana ako sa bayan ng araw na iyon. Mas maganda kasi talaga makinig ng Siete Palabras at manood ng procession kapag Good Friday, kaso sa FB live lang ako nakapanood. Nalulungkot ako Rev, kapag naaalala ko na pinaglagpas ko ang araw na ‘yun. Hayaan mo, next year hindi ko na ito palalagpasin pa. Kaya, sa sobrang curious ko sa’yo, umattend pa ako sa Easter Vigil at misa ng Muling Pagkabuhay. Ang saya saya ko that time kasi sa totoo lang, first time ko umattend ng Salubong. Sorry ah, madalas kasi tinatamad talaga ako. Nadidisappoint ako sa ganoong gawi ko dati. Anyway, hindi ko alam kung napansin mo, pero patawad kung palihim at pigil na pigil kaming tumatawa habang kumakanta ka kasi parang kinakabahan ka noon kaya nawawala ka sa tono. Peace! Tho, naiintindihan ko ang sitwasyon mo. Nakaharap ka sa maraming tao at solemne ang oras na iyon. Awkward talaga.

Honestly, heto aaminin ko na, I am a bit attracted to you, na para bang naniniwala na ako sa love at first sight. Natapos na ang Holy Week, at bumalik na ako dito sa Manila pero hindi ka pa rin mawala sa isip ko, hindi ko alam kung bakit. Naikwento ko na yata sa lahat ng mga kaibigan ko na crush kita kahit bawal. Napapagalitan ko ang aking sarili kapag naiisip ko na, sayang bakit ngayon lang kita nakilala? Mas matagal pa sana kita pwedeng magustuhan, dahil ngayon, ilang araw na lamang ay tatawagin ka na naming Reverend Father.

Hindi ko na alam kung ilang beses ko pinanood yung Lenten recollection video mo sa FB page ng ating simbahan. Sobrang tuwang tuwa ako kasi sa wakas ay narinig ko na ang boses mo na hindi formal at hindi nagbabasa ng mga bible verses. Isa pa, nakakamiss din makarinig ng nagsasalita na may punto, mula sa ating bayan. Hindi ko na kasi ‘yon magawa sa Manila kasi hindi ako naiintindihan ng mga kaofficemates ko. Tungkol sa recollection, isa ka pa ring millenial tulad ko, mulat sa mga kaganapan, at sa mga current trends, sapagkat noong una, masyadong inosente ang tingin ko sa’yo. Feel ko nga hindi ka marunong gumamit ng Facebook. Hahaha joke lang! Gusto kong malaman mo na okay ang iyong pagsasalita sa harap ng marami, kayang kaya mo pang iimprove iyon kahit na sabi mo nga ay hindi ka bilib sa sarili mo. Maganda rin ang iyong tinig, Rev. Naniniwala ako na sa ‘di kalaunan ay makakamit mo rin ang ipinagdasal mong Gift of Tongue.

‘Walang imposible kay Lord, lumapit lamang tayo sa Kanya’, sabi mo pa. Totoo sapagkat unti-unti, pakiramdam ko ay lalong nabubuhay sa aking kalooban ang Panginoon. Marami akong natutunan sa recollection mo. Hindi ko man maisa-isa ‘yon, I was truly moved by your talk.

Isa pa, nag-eenjoy din akong tingnan ang mga larawan mo na kuha ng mga local photographers sa ating bayan. Your mere presence stands out of the vast crowd. Para yata akong nabatobalani sa’yo. Napakatagal na panahon din akong naging oblivious sa tinatawag nilang pag-ibig, at tila ay naging bato na ang puso ko. Ngunit ngayon, para bang ice cream ito na natutunaw sa ilalim ng araw. Pasensya ka na, huwag mo sanang isipin na stalker ako pero in literal na term, parang ganon na nga? Biro lang, sana ay napangiti kita sakali mang nababasa mo ito ngayon.

Noong Linggo bago ang national election, nagsimba ako sa cathedral at hindi ko inaasahan na magseserve ka ng umagang iyon. Galak na galak ang puso at isip ko. Literal na ngumingiti ako sa ilalim ng aking facemask. At hindi ko malaman kung ano ang pumasok sa isip ko nang sa’yo ako tumanggap ng banal na komunyon. Sobrang nahihiya ako, una kay Lord, alam mo ba, kasi crush ko yong taong tinawag Niya at bawal magustuhan lalo na ng isang tulad ko na makasalanan. At pangalawa, sa’yo oo, sobra sobrang kaba yong nadarama ko ng mga sandaling nagkalapit tayong dalawa at nasilayan ko ng malapitan yung mukha mong poker face at masungit (pasensya ka na kung najudge agad kita), at dumampi ng saglit ang iyong kamay sa palad ko. Hindi mo alam kung ilang libong kuryente ang dumaloy sa katawan ko noon na halos nakalimutan ko na kung saan ako nakaupo pagbalik ko. At noong dumaan ka sa tabi ko para magbasbas sa mga nanay kasi Mother’s day din pala that day, tumingin ka ba sa gawi ko? Sana ay oo. Pero ang sungit pa din ng dating mo. Siguro kung napansin mo, ako yong parang baliw kanina na nilalayo yung kamay nung inaabot mo sakin yong Host. Nanginginig kasi ako literal kasi pasmado ako tapos kinakabahan pa ako. Parang pinaparusahan yata ako kaagad ni Lord sa mga ginawa ko. Banal ang komunyon at pagtanggap ng Eukaristiya pero patawad kung ito ang naramdaman ko ng mga oras na iyon. Nahihiya pa rin ako hanggang ngayon kapag naaalala ko ang ating awkward encounter that day, tho alam ko naman na hindi mo ako maaalala. Okay lang.

Salamat sa Facebook, nasusubaybayan kita hanggang ngayon. Hindi ako creepy stalker ha, sadyang binabalot lang ako ngayon ng iyong karisma, at hindi ko maipaliwanag na feeling. Kaya hindi ko mapigilan ang aking sarili na hanapin ka sa bawat sulok ng social media, to fill up this curiosity about your life. Sobrang saya at excited ako kapag napapanood kita sa Facebook Live, sa tuwing may misa sa ating simbahan, at mga pagdiriwang at ganap sa ating parokya. Ikaw ang palaging highlight ng mga live videos doon. Gusto kitang i-chat noong tinugon mo ang friend requests ko sa social media. Nakakahiya mang aminin pero kinilig talaga ako noong oras na ‘yon. Ngunit labis labis ang pagpigil ko sa aking sarili na magmessage sa’yo. Una kasi alam kong hindi na tama ang nararamdaman ko, at saka wala naman akong sasabihin, at ikalawa, baka maseen-zoned mo lang ako. Nakakahiya.

Pero alam mo rin ba, na simula nang makilala kita ay para bang may pwersang humihigit sa akin patungong simbahan kahit nasaang lugar man ako. I feel at ease and at peace, and in state of Grace. Sobrang saya ng puso ko kapag nakakaattend ako ng misa tuwing linggo. I’ve never been this ecstatic about faith. Dinarasal ko na din ang Santo Rosaryo madalas kahit hindi ko kabisado at kahit hindi everyday. Never kong pinilit ang sarili ko sa ganitong bagay, and honestly hindi lang dahil may gusto ako sa’yo na isang taong simbahan at relihiyoso, kundi, kusangloob ko itong ginagawa, nariyan ka man at nagseserve o wala.

Siguro ay nagugustuhan na talaga kita ng tuluyan. Ako ay nahuhulog na sa isang taong never ko pang nakakausap o nakakasama ng matagal. Posible pala ito? Pero sabi nga sa nabasa ko sa Google, “Attraction is a mysterious thing. Some say it’s spiritual, others say it’s biological. Some would say that you have a soul connection with this person.” Ngunit alam mo ba na bukod sa paghanga ko sa’yo, isa sa pinakapunto ng liham na ito ay ang lubos na pasasalamat ko sa iyo, at sa pagiging matatag ng aking pananampalataya bilang isang Kristiyano. Dahil alam ko na isa ka sa mga naging instrumento upang ako ay muling mapalapit kay Lord, at sa ating simbahan na matagal na panahon ko ding hindi napuntahan. Hindi ko alam if maganda ba itong tingnan sa point of view mo, pero ito ang nakikita ko ngayon. Siguro pinakita ka ni Lord sakin para maging mas malinaw ang daan ko papunta sa Kanya, para mas lalong maging matatag ang aking pananampalataya at pananalig. Para kang isang anghel na pinababa ng Diyos sa lupa upang turuan ako ng leksyon. This love is good and bad, but this love glowing in the dark. Love na nga ba ito? Hindi ko alam. Kung oo, okay lang. Kung hindi, mas mabuti naman.

Sabi ng mga kaibigan ko, bigyan raw kita ng ordination gift, kaso nahihiya ako kasi hindi naman tayo magkakilala or magkaclose, baka magtaka ka lang o maweirduhan. Kaya, idinaan ko na lang sa novena prayer ang simpleng regalo ko kasama ang ilang maiiksing dasal na isinulat ko para sa iyo. Nabasa ko kasi na pinakamagandang regalo daw sa mga magpapari ay ang ipagdasal sila. Hindi man ako ganon kalakas kay Lord, siguro ay diringgin pa din Niya ang mga panalangin ko kasi ikaw yung malakas sa Kanya.

Hanggang ngayon, masasabi kong confused pa rin ako sa sarili ko patungkol sa nararamdaman kong ito na walang patutunguhan. Gusto kong ipagsigawan ang pakiramdam na ito ngunit hindi pwede, kaya idinaan ko na lamang din sa sulat. Pero sa kabila ng lahat, nananaig pa rin ang matagumpay na misyon mo para sa lahat – ang matibay na paniniwala at pagsamba ko sa ating Diyos. Iyon ang pinakamahalaga. Kahit hindi mo nalalaman, binuo akong muli ng iyong presensya. At maraming salamat sa’yo Rev. Aaminin kong may kirot sa puso ko kapag naiisip kong hindi tayo pwede, at nalalapit na ang iyong ordinasyon. At the same time, hindi ko pa kayang talikuran at kalimutan ang nararamdaman kong ito. Pero okay lang kahit wala akong matanggap na kapalit, sapagkat higit pa ang ibinibigay na pagmamahal ng Diyos sa atin. This love is brave enough to handle the temporary pain. Alam ko na mas mainam ang mga plano Niya para sa atin.

Muli, ako ay lubos na nagpapasalamat sa iyo, Rev. M. Dalangin ko ang matagumpay mong bokasyon at walang hanggang pag-ibig mo sa ating Diyos. Ang tangi kong hiling bago ko tapusin ang liham na ito, kung mayroon mang susunod na habambuhay, sana ay pagtagpuin tayong muli, at pagkalooban ng panibagong kwento. Kung Kanyang ipahihintulot, paglapitin nawa Niya ang ating mga puso, at bigyang kasagutan ang mga tanong na nakalutang sa isip ko. Sa ngayon, tugunin mo ng buong puso ang Kanyang pagtawag sa iyo.

Ito ang aking liham na napupuno ng lakas ng loob sa unang pagkakataon, walang kasamang takot at pangamba na dulot ng kabiguan. Sinulat ko ang liham na ito, hindi para lituhin ang sino man, kundi para iexpress ang aking mga saloobin dahil hindi napipigilan ang puso, at para na rin pasalamatan ka. Sakaling ito man ay iyong mabasa, sana ay huwag mong ipagkait sa akin ang iyong pag-unawa para sa damdamin kong ito.

Binabati rin kita sa iyong nalalapit na Banal na Ordinasyon para sa Pagkapari. Sana ay malaman mong masayang masaya ako para sa iyo at sa katuparan ng iyong bokasyon. God bless you forever, our future priest!

His mother said to the servants, “Do whatever he tells you.” – John 2:5

Hanggang sa muli, iniibig kong diyakono.

Sumasaiyo,
Steffy

May 20, 2022. All rights reserved.
Diyosesis ng Gumaca

Send me the best BW Tampal!

* indicates required