Bigo na ako bago pa siya dumating.
Parating hindi maabot mga gusto at layunin.
Laging nakukulangan sa sarili.
Hindi makita ang halaga at silbi.

Walang oras para pansinin anong dahilan.
Walang pagkakataon upang unahin naman ang aking pangangailangan.
Habang ako’y napaparalisa ng sistema,
Napatigil nitong nakakabiglang problema.

Wala pa ngang solusyon,
Bakit may dagdag na naman ngayon?

Para akong binigyan ng pahinga sa gitna ng pagmamadali nitong mundo,
Sa paraang malayo sa naisin ng puso.

Pakiramdam ko ay lalo akong nawalan ng laya.

Subalit, higit ko pala makikita ang Iyong mga gawa.

Sa pag-aalala ay mas nakakapanalangin.
Sa paghihintay ay mas lumalalim.

Masyado ko yatang inilayo ang sarili ko noon sa totoong tingin Mo sa akin.
Masyadong naghabol sa pangarap na pansarili nang hindi ko napapansin.

Salamat sa panibagong pagkakataon upang makabangon mula sa nakaraan.
Tumindi man ang laban pero mas nararanasan ang Iyong katapatan.

Akala ko gagaan ang bigat na dala ko kapag ang lahat ng sugat ay naglaho na.
Mas magiging matibay pala ako na harapin ang lahat dahil sa lakas na Iyong biyaya.

Wala Kang ibibigay na makakasira.
Lahat ng ito ay may dahilan sa Iyong mga mata.
Sa panahong ito, ako nawa ay gamitin Mo,
Na maibahagi itong pag-asa sa marami pang tao.