Salamat!
Salitang mahirap sabihin sa t’wing naiisip kita.
Pero nung aking napagtanto, ito pala ang akmang salitang dapat kong sabihin kung magkikita man tayo sa hinaharap.
Salamat, dahil sa iyong di pagpili ay natutunan kong piliin ang sarili ko.
Salamat, dahil sa iyong pagtalikod ay natutunan kong pwede palang unahin ko din ang sarili ko.
Naalala ko pa noon, nung mas pinili mong manahimik, nung halos ang buong mundo ay dinidikdik sa akin na hindi kelan man ako ay babagay para sa iyo. Nung ang kanilang pangmamaliit at pangmamata ay aking tiniis para lamang hindi ka mawala sa aking piling.
Sa araw ng iyong kaarawan, pinili ihinto ang ating istorya, ay mali! mga ilang buwan narin pala ang lumipas noon, sa iyong kaarawan mo nga pala ako muling kinausap pagkatapos nang ilang buwan mong biglang pagtrato sa akin na tila ako’y isang hamak na hangin lamang sa iyo. Sa araw na iyon mo sinabi na, “patawad, di kita maaring piilin at kailanman hindi kita pipiliin”.
Aaminin ko, nawasak ang mundo ko noong araw na ‘yon, at hanggang ngayon dala ko parin kahit papano ang mga mumunting piraso ng ala-alang iyon.
Patawad.
Salitang madaling sabihin pero mahirap panindigan.
Dahil kalakip ng pagpapatawad ay ang pagtanggap na marahil ako nga talaga ang nagkulang, na marahil dapat ay di ko na lang pinaglaban yung kung ano man ang inakala kong meron tayo.
Minsan mas madaling isipin na mas mabilis ang piliing limutin ang kung anuman ang nakasakit sa atin. ‘Yun ang inakala ko nuong una. Akala ko sa pagpili na limutin at lisanin ang buhay na nakagisnan ay magiging ayos din ang lahat. Pero hindi pala yun ganun kadali.
Pagtanggap.
May nakapagsabi sa akin noon na mas madali kang makakapagpatawad kung iyong tatanggapin na sadyang may mga bagay na kahit anong pilit mo o kahit gaano katindi ang pagnanais mong ipaglaban ang isang bagay o isang tao, kung ang pinaglalaban mo ay walang balak na ipaglaban ka, ay mauuwe rin ang lahat sa wala.
Sabi din nila, ang susi para makalimot ka, ay magpatawad, ang susi naman para magpatawad ka ay ang pagtanggap na marahil hanggang doon nalang talaga.
Noong una, aaminin ko nais kitang sumbatan. Nais kong isigaw sa iyo, ang hinagpis at ang araw araw kong pagtatanong sa sarili kung bakit ganun na lamang ang pagiwan at pagiwas mo sa sitwasyon na meron tayo noon. Kung kelan kailangan kita, ay saka naman ang iyong paglisan.
Ngayon ay alam kong pinili mo lamang ang mas importante sa iyo noong panahong iyon – ang pamilya at estado mo.
Kaya sa pagtanggap kong talagang hanggang doon na lang ang lahat ay ang pagpapatawad ko sa iyo at ang taos puso kong pasasalamat.
Salamat, dahil sa iyong pagtalikod ay natutunan kong pwede palang unahin ko din ang sarili ko.
Salamat, dahil sa iyong di pagpili ay natutunan kong piliin ang sarili ko.
Dahil akin nang napagtanto, ito ang akmang salitang aking sabihin kung magkikita man tayo sa hinaharap.
Salitang aking unang nasasabi sa t’wing naiisip kita.
Salamat!