Sa murang edad, naranasan ko ang maraming uri ng laro Sa lahat ng aking kalaro, Ikaw ang paborito ko.
Sa murang edad, ako ay nangarap Ito yata yung tinatawag nilang "puppy love" Parati kitang gustong makita makausap, makasama, makabiruan Pero ngayon ko unang naranasan maglaro ng tagu-taguan.
Kaso di ako eksperto kaya nahuli mo ako Saka mo sinabing gusto mo rin ako Napalundag ang puso ko, lumutang sa ulap Gusto kong isigaw na ikaw ang pangarap Kaya dinukot ko ang puso ko Binigay nang buo sayo Nagtiwala na iingatan mo ito Dahil mahal kita at sabi mo, mahal mo ako.
Lagi kang nariyan 'pag kailangan kita Handang tumugtog 'pag gusto kong kumanta Tuwing nagseselos ako, susuyuin mo Bilib ako sayo kasi mahaba ang pasensya mo Nakakatawa lang kasi, Para lang tayong naglalaro Kasi nga bata pa tayo.
Kahit di sigurado ay pinili kita Dahil akala ko, ikaw na At kahit pa alam kong matitibag ang pader sa palibot ng puso ko, Hindi ako umilag. Ngunit lahat ng sakit at pagkabigo na natamasa ng puso Ay daan pala para ihanda ako Sa perpektong plano ng dakilang Arkitekto ng buhay ko Na hindi nagbabago At nananatili Kahit iwan ako ng lahat sa mundo.
Kaya salamat na rin at nakilala kita Tinuruan mo akong mahalin ang musika Dahil sayo, naranasan ko ang unang pag-ibig Natuto akong maging mahina, natuto akong sumugal, natuto akong umiyak, Pero natuto rin akong lumaban, magparaya, magpalaya, Dahil ang tunay na para sa'kin ay di pinipilit at hindi minamadali Kundi ito'y sumisibol sa pagkakataon na maiging pinili ng nag-iisang May-ari at Hari ng buhay ko.
Ngayon, ako ay buo at maligaya Kahit noon, akala ko ikaw na.