Ako, Mula sa Iyong Nakaraan


“Naniniwala ako na may naghihintay sa iyo, hindi man sa paraan o sa tao na iyong inaasahan.”

Ngayong gabi, wala akong ibang maisip na gustong kausapin. O siguro, akma ring sabihin na ayaw kong makipag-usap sa iba. Nasa punto ako ngayon ng buhay ko, na pakiramdam ko walang makauunawa sa nararamdaman ko. Sa totoo niyan, hindi naman ako malungkot, pero sa hindi ko malamang dahilan, ay hindi rin ako masaya. Ang labo hindi ba? Gayun pa man, ikaw ang sumagi sa isip ko na makausap sa sandaling ito. Kahit pa nga alam ko, na ang pagtugon mo ay hihintayin ko ng ilang araw, linggo, buwan, taon o baka nga’y umabot pa ng dekada. O siguro, siguro… Hindi na. Baka hindi mo na maalala na minsang isinulat ko ito para sa iyo.

“Ang drama naman.” Baka ito ang unang maging komento mo kung sa hinaharap ay mabasa mo ito. Marahil ay mainis ka at itanggi na hindi ikaw ako o hindi ako ikaw. Pero gusto na kitang unahan, sino man sa ating dalawa, walang karapatang itanggi ang isa’t isa. Sumulat lang ako, kung sakali man na dumaan ka ulit sa ganitong sandali, sa panahon na akala mo walang nakikinig, walang nakaaalam at walang may pakialam. Gusto ko lang ipaalala na matatag ka, malakas ka at kamahal-mahal. Ano mang kulang na iyong nararamdaman, huwag mo sanang isipin na hindi ka na mabubuo kailanman. Dahil kung darating man ang punto na mababasa mo ito, tiyak akong marami ka na ring nalagpasan. Mula sa mga gabing ayaw mong wakasan, sa takot na harapin ang bukas na punong-puno ng alinlangan at kawalan ng kasiguraduhan. Mula sa mga kalungkutang kung minsan ay hindi mo alam ang pinagmulan kaya hindi mo rin alam kung paano matatakasan. Sa mga sandaling pinipigil mo ang sarili na labis na masiyahan, sa takot na ang kasunod nito ay ang kasawian. Sa mga takot na hindi mo malabanan, sapagkat lagi kang pinangungunahan ng iyong mga kahinaan. Mahal kong ako, hangad ko na lahat ng ito’y iyong malampasan.

Pakiusap, ano man ang maiwan mo sa nakaraan, manatili ka sanang masaya sa iyong kasalukuyan. Hindi ko alam, kung sino-sino ang kasalukuyang nasa tabi mo, kung sino ang iyong minamahal at ang nagmamahal sa iyo. Marahil din naman ay naghihintay ka pa rin, kung tunay nga na mayroong darating. Ngunit kung wala man, dalangin ko’y mahanap mo pa rin kung ano ang iyong tunay na kabuluhan. Sapagkat hindi Niya tayo ginawa para lamang sa wala. Naniniwala ako na may naghihintay sa iyo, hindi man sa paraan o sa tao na iyong inaasahan.


Hindi ko pa alam, kung ano-ano ang mga kahaharapin mo, subalit pangako, ngayon pa lamang ay ihahanda ko na ang sarili ko. Pagtitibayin ko ang puso at kalooban mo. Subalit ano’t ano pa man, hangad ko na sa kasalukuyan mo’y dama mo ang katahimikan at kapanatagan. Nawa’y maalala mo ang isinulat kong liham, hanggang dito na lamang, paalam.

Ako, mula sa iyong nakaraan.

Exit mobile version