Ako naman. To My Future Husband.

Di mahalaga kung ika’y di matangkad
Basta’t abot mo standards ko, pasok ka agad!
Wag mag-alalang di mo ito maatim,
Ayos na basta relationship mo kay God ay malalim.

Taghiyawat sa mukha, yan nama’y gagaling
Kung hindi, umasa ka pa rin!
O diba, pagsubok yan sa pursigidong pananalangin,
“Mga pimples ko po, alisin Nyo na rin!”

Pero teka, hindi ka pa ba pogi sa lagay na yan?
E paglumalapit ka, ako’y napapangiti naman!
Yung mga biro mo, tuwang tuwa ako,
Ako nga ata ang number one fan mo!

Teka ulit, hindi ka kamo malakas?
Pero bakit ganun, hindi na ako makatakas
Sa tila-magnet mong katauhan
Hindi ko nga naisipang manlaban!

Iyang ketchup, kahit di ko hilig, buksan mo na,
Pasikatan mo pa ako ng pagluluto ng meryenda,
Tapos sabay tayong manuod ng mga K-Drama,
At magkunyariang tayo ang mga bida.

Maskulado ka man o hindi, wag kang mag-alala
Basta’t nandiyan ka’t buhay ay sapat na.
Mag-alagaan na lang tayo sa isa’t isa.
Pwede rin namang sabay magpataba.
Pero para magkasama tayo ng mahaba-haba,
Sige exercise tayo, tara na nga!

O, yung mga mata mo’y wag lang sa akin nakatuon,
Nais ko pa rin sana mauna sa’yo ang Panginoon.
Pero salamat na rin sa iyong pagtingin,
Nakakakilig, gusto na kitang angkinin.

Sa kantahan naman, wag kang mabahala
Ang efforts mo naman ang mahalaga!
Damdamin ng awitin ang magdadala,
Pati ng kumikinang mong mga mata.

Sabayan na lang natin ng ballroom at cha-cha,
Para hindi na lang masyadong halata.
Sasayaw, kakanta, di tayo magsasawa
Tapos magtatawanan tayo sa ating pinaggagawa!

Tuklasin din pala natin ang iba’t ibang sining,
Pati kasaysayan, ating saliksikin.
Galugarin natin ang buong mundo
Busugin natin ang ating mata ng kagandahan ng nilalaman nito.

Maglakad rin tayo ng malayu-layo.
Naniniwala rin akong ito’y romantiko.
Ang mga nilalakarang kalye magiging bahag-hari,
Sa ating kwentuhan at sa mga pangarap nating mahahabi.

Yung mamahaling regalo, hindi ko yan panukat
Ang hingin mo ako kay Yahweh, yan ay sapat
Para maramdaman ko ang pag-ibig mo,
Ang ipanalangin ako, yan ang kagalakan ko.

Salamat sa mga plano mo,
Salamat na ipinagbubuti mo,
Ang paghahanda sa sarili mo,
Ang paghahanda sa ating pagtatagpo.

Alam mo, isa rin akong mandirigma
Malakas kahit ika’y wala
Pero ika’y aking kinapapanabikan
Dahil ikaw ay ibinigay na katuwang.
Kasabayan sa pananalangin
Kaulayaw sa mga tatahakin
Ang aking kaakibat sa digmaan sa mundo
Sa pagbabahagi ng liwanag mula kay Kristo.

Ako rin ay nananalangin
Aking paghahanda ay pagbutihin
Sa nalalapit nating pagtatagpo,
Sa pag-iisa ng ating mga puso.

Exit mobile version