Ako’y Tutula

Ako’y tutula,
Mahabang-mahaba.
Pakinggan ‘tong kwento,
Kung paanong si IKAW at si AKO
Ay unti-unting naging tayo.

Ikaw yung buwan na lagi kong tinitignan
Ikaw yung bituin na pilit kong susungkitin
Ikaw yung kape sa agahan na laging titimplahin
Ikaw yung kantang walang sawang pakikinggan pa din
Ikaw yung lugar na pupuntahan upang galit ay pahupain
Ikaw yung bahay na simple lang pero punong-puno ng ala-alang maraming ibig sabihin
Ikaw yung liham na nakatiklop sa wallet ko na laging babasahin
Ikaw yung pinakamagandang regalong natanggap at ‘di inaasahang dumating
Dahil ikaw…
Ikaw ang sagot sa aking mga dalangin
Ikaw ang kabiyak ng puso ko’t damdamin

Teka…
Ba’t puro si IKAW?
Nasan si AKO?
Si ako ay ang mismong tulang ito,
Na hindi mabubuo at hindi makukumpleto
Kung walang ikaw sa kwento.
Dahil ang tulang ito
Ay kung paanong si IKAW at si AKO
Ay unti-unting naging tayo.

At ako’y uupo
Dahil tapos na po.

Photo by brenoanp from Pexels

Exit mobile version