Ala-ala na Para sa Atin lang

Para sa mga ala-ala na tayo lang at satin lang. 

Sa sariwang daan na nilakaran natin papuntang kung saan. Sa ala-ala ng usok ng tambutso na sumaksi sa mga ngiting tinago ko. Sa manibela ng jeep na nakatitig saking mga matang nakatingin naman sa’yo. Sa hangin dinadala kung saan ang aking isip, papunta sa’yong kinaroroonan. At sa bawat buhangin ng sapatos ko na nagsasabi ng direksyon papunta sa ala-ala ng lugar na tayo at satin lang.

Para sa bawat kislap ng screen ng aking cellphone na inaantabayanan kung nakarating na ba ang seenzone mo. Sa bawat pindot ng keypad na walang pagtitipid sa letra na parang sinasabi ko sa personal bawat salita, na parang kasama kita. Para sa muli kong pagpasok sa daigdig na ikaw at ako lang. Mundo natin na binubuo ng bawat payo, bawat tawanan, bawat jokes at minsanang pasaring tungkol sa gusto mong hinaharap. Para sa mga lakad na binuo natin sa pangarap at sketchbook. Sa ilang cafe na narating natin gamit ang ating utak. 

Para sa ala-ala at pagpapaalala sakin ni Yahweh tungkol sa’yo. Na sa pagpunta ko sa’yo ay Siya muna ang aking puntahan. Na sa pagkikipagusap ko sa’yo ay Siya muna ang aking kausapin. Na kung paaano ako maging masaya at kiligin sa mga ngiti mo ay sa Kaniya ko muna kuhanin ang tunay na ligaya na pwede natin paghatian. Na sa pag-iisip ko sa’yo ay ikuwento ko sa Kaniya ang istorya ng panalangin ko na baka pwede Niyang gawing pelikula. 

Pelikula ng mga ala-ala ng tayo lang at para satin lang.

Exit mobile version