Ang Kwentong ‘Di Inaasahan

Di man mahusay sa paggawa ng tula ngunit aking susubukan
Mga salitang nais ipahayag at di kayang pigilan
Kung may mali sa pagkakasulat, nawa ay mapagbigyan
Narito ang kwentong di inaasahan, sa tula nalang idadaan

Isang pangkaraniwang araw, sa isang handaan
Nagpakilala sa akin, grupo ng kabataan
Di inaasahang aking masisilayan
Isang Binibining may angking kagandahan

Sa lahat ng nagpakilala, ang paningi’y nakatali
Sa Binibining may kaaya-ayang ngiti
Gusto mang pagmasdan pa ay di maaari
Kaya napagpasyahang ang damdami’y ikubli

Maraming tanong ang nais sambitin
Nais pang makilala ang bumihag saking paningin
Ngunit sadyang iba ang magiging dating
Pag siya’y inusisa at iba’y di na napansin

Piniling ibaon nalang sa limot ang naramdaman
Pagkat malabong magkrus ang aming daan
Upang siya’y makausap, walang maisip na paraan
Kaya hinayaang tuluyan na lamang malimutan

Ngunit sadyang ang kapalaran ay mapagbiro
Panahong masaya nang mag-isa ang puso
Sa pagmamahal at paglilingkod sa Diyos ay kuntento
Sa isang pag-uusap, muling nanabik ang pusong sarado

Taimtim na binantayan ang nadarama
Di dapat sa emosyon ay magpadala
Kailangang gamitin ang isip at suriin pa
Baka sa umpisa lang naman at biglang mawala

Tuwing may pagkakataon na siya’y masilayan
Ay di pinalalampas anuman ang kalagayan
Kahit saglit lang na makasama at mapagmasdan
Ay sapat na upang ang pagod ay malimutan

Pag kami’y magkasama, madalas siyang magkwento
Mula sa paggawa ng kanta hanggang sa pagsusulat ng libro
Maiging pinapakinggan at aking napagtanto
Isang iniingat-ingatang kayamanan ang natagpuan ko

Halos araw-araw siyang kausap upang kilalanin
Habang kinikilala siya’y lumalalim ang pagtingin
Ang pangarap niya para sa Panginoon ay pangarap ko na rin
Gagawin ang makakaya na matupad ang kanyang hangarin

Dumaan ang mga araw, buwan at taon
Patuloy na dinulog ang damdamin sa Panginoon
Humingi din ng gabay sa pagdedesisyon
Sa mga taong sa Diyos ay may maayos na relasyon

Sa tulong ng Maykapal, ako’y nalinawan
Di lang basta-basta ang nararamdaman
Ang pananampalataya’y dapat hakbangan
Ang bawat pagkilos ay pinaghahandaan

Nilakasan ang loob at sinabi sa aking pamilya
Handang tanggapin anuman ang payo nila
Napalitan ang pangamba at ako’y natuwa
Na suportado nila sa aking pagpapasya

Sa tagal ng panahon na itinago ang damdamin
Dumating na ang oras na kailangan nang aminin
Anuman ang pasya niya’y wag nang pakaisipin
Kanyang sasabihin ay maluwag sa pusong tatanggapin

Upang makapag-isip bago gumawa ng desisyon
Humingi siya ng sandaling panahon
Idudulog ang panalangin sa Panginoon
Kung ako ba’y pagkakalooban ng pagkakataon

Makalipas ang ilang araw, siya’y nakapagpasya na
Ako’y kinausap, di maikubli ang kaba
Ngunit napawi ang takot nang sambitin niya
Na ako’y papayagang patunayan ang nadarama

Sinabi niyang hindi magiging madali ang lahat
Na patunayan sa pamilya niya na ako’y nararapat
Nawa’y makita nila na ang hangarin ko’y tapat
Ang puso niya’y aalagaan ng buong pag-iingat

Batid kong kailangan pa niya ng panahon
May mga dapat unahin at bigyan ng atensyon
Malugod na haharapin ang bawat pagsubok at hamon
Handang maghintay sa tamang panahon

Published
Categorized as Poetry

By Asaph

Loves Jesus. Lives for Him.

Exit mobile version