Ang kwentong S-A-N-A

Isang mala-dramang kwento, paano bigyan ng wakas?
Mananatili ba sa imahinasyong pag-ibig na wagas?
O sa realidad na wala kang katakas-takas?

Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Apat.
Apat na pahina. Halos apat na taong ikaw lang ang nakikita.
Ikaw at ako ang bida sa kwentong “SANA”
Ang kwento ng dalawang pusong umaasa
Ang kwento ng nagmamahal kahit walang label
Ang kwento ng nasasaktan dahil walang ginampanang papel.
Paano ko tatapusin ang ganitong ugnayan?
Paano ko bibitawan ang salitang paalam
kung sa kanya, sa simula pa lang ito’y isang laro lamang?
Paano ko malalaman kung di mo ako pagsasabihan?
Paano mo masasabi kung di mo pa nasusubukan?
Paano ko sisimulan kung ito ay tatapusin mo din naman?
Paano ako lalaban kung wala akong karapatan?
Paano ko makakalimot sa isang mala-dramang kwento?
Ang kwentong buo sana kung handa lang tayo.

Mahal, naaalala ko pa kung saan tayo nagsimula
Naaalala ko pa ang unang pahina
Ang unang pagtatagpo ng dalawang puso
Ang pusong umaasa at naghihintay
Ang pusong nasusugatan kaya ayaw ng lumaban.
Ang puso nati’y pilit ipinagtagpo
Ang tanong, “May TAYO ba sa dulo?”
Handa ka bang sumugal sa larong ito?
Handa ba tayo?
Handa ba tayong lumaban at iwan ang masakit na nakaraan?
Handa ba tayo sa kung anong kahihinatnan.

Ito ang pahinang puro hiya, kilig, saya at laro
Ang pahina kung saan natuto akong magtago
Natuto akong magkunwari, natuto akong magpaka-manhid
Pero kahit anong pilit, ‘pag ika’y lalapit sasabog ang aking dibdib.
Naaalala ko pa sa unang pagbati, puso’y nabalot sa hiya
Sa unang pagsasama’y malimit tayo sa pagsasalita.

Sa ikalawa at ikatlong pahina, ang makata’y natutong magsalita
Nagpatuloy sa pagsusulat gamit ang tinta
Ang tintang bakas ang paghihintay at pag-asa
Ang kabaliwang paniniwala kahit tayo’y magkaiba
Itinuloy ang kwentong puno ng masasayang alaala
Ang mga sandaling naging masaya tayo sa isa’t- isa
Ang mga ngiting di maikubli, ang kulitan at pagpaparamdam
Ang mga mensahe’t kilos mo’y binigyan ko ng kahulugan.

Saksi ang apat na sulok sa ating mga pangarap
Maging ang langit at alitaptap
Sa paglipad dala ko ang ating mga pangako
Mga pangakong nabitawan kahit may alinlangan.
Apat na taong kumapit tayo sa salitang sana
Apat na taon ding nagsikap makamit lang ang pangarap.
Masaya ako sa ating dalawa
Sabay tayong nagtagumpay, sabay din tayong umalis
Ang ugnayang ito ay walang kawangis.

Masaya kong gugunitain ang mga alaalang iyon,
Ang mga alaalang mag-isa kong tinipon.
Lumipas ang mga araw, pagbabago mo’y aking natanaw.
Ang dating madalas na pagkukwentuha’y naging malimit,
Ang pagmamahal ay napalitan ng selos at sakit.
Mahal, nasaan ka na?
Nasaan na ang iyong sinabi na walang magbabago sa huli?
Alam kong wala akong karapatan
Wala akong karapatang magtanong at masaktan
Dahil sa unang pahina pa lang talo na ako sa laban.
Ba’t ba ako umasa pa?
Ba’t ba ako nagpakatanga?
Ba’t ba ako naniwala?
Ba’t ba ako kumapit sa ugnayang sarili ko’y naiipit?

Mahal, siguro ito na ang huling pahina ng kwento
Ako’y napapagod na’t nalilito
Kailangan ko ng magpahinga
Kailangan ko ng hanapin ang sarili’t magpakasaya
Kailangan kong bitawan ang mga alaala na lang.
Sa ngayon, hanggang dito na lang tayo
Hanggang dito na lang
Hanggang dito na lang
ang kwentong ikaw at ako pero WALANG TAYO.

Exit mobile version