Ang mga Katanungan

“Ano ba ang mali ko? Saan ako nagkulang? Bakit lagi na lang akong iniwang talunan at nasasaktan? Bakit laging may nasasaktan kung may nagmamahal? Bakit may nagtagumpay at may nalulumbay? Paano ako magiging masaya kung sa buhay ko ay may kulang pa?  Kailan ko masasabing wala na akong kailangan pa? Kailan ko maririnig mong sambitin ang salitang Mahal kita? Saan ko matatagpuan ang tunay na kasiyahan? Saan ako dadalhin ng mga pasang paa? May patutunguhan pa ba? Sino ang handang umalalay? Sino ang handang maghintay? Sino ako sa hinaharap at kasama ba ako sa iyong mga pangarap?”

Ilan ito sa mga katanungang nasa ating isipan na hangad natin ay kasagutan. Mga katanungang gumugulo sa isipan na para bang sinulid na buhol-buhol, napakahirap ayusin at pagtatagpuin. Mga katanungang nabalot sa “Ano? Bakit? Paano? Kailan? Saan at Sino?” Mga katanungang mismo sarili natin di  alam ang punot dulo at saan ito patutungo. Mga katanungang minsa’y hinaharap at minsa’y tinatalikuran. Mga katanungang minsa’y kay hirap sagutin kaya sa luha na lang natin dadaanin.
Isa ako sa milyon-milyong tao na naghahanap ng kasagutan sa mga bagay na bumabagabag at nanggugulo sa mapayapa nating isipan. Mga katanungang tungkol sa buhay at pag-ibig, katanungang dulot ng mapait na karanasan na pilit nating hinahanapan ng dahilan at katanungang nabuo dahil tayo’y nasasaktan.
Lahat tayo ay gustong  maramdaman ang salitang masaya. Lahat tayo ay humahangad ng magandang pamumuhay at mabuhay ng may kasama hindi iyong maiwang mag-isa. Lahat tayo ay may gusto pero sadyang may mga bagay talaga na kahit anong pilit natin ay hindi magiging atin. Lahat tayo ay may walang-hanggang katanungan at karamihan doon ay umusbong dahil sa ating nararanasan.

Hindi natin ito  maiwasan sapagkat ganyan ang buhay eh. Wala tayong choice. Wala tayong matutunan kung wala tayong mararanasan. Mahirap man sagutin ang mga katanungang ito pero sana tayong lahat ay magpapatuloy sa paghahanap ng kasagutan. Hindi man madali dahil ang buhay natin ay  parang pag-akyat lang ng bundok: mahirap at nakakapagod pero sa tuktok nito’y may naghihintay sa iyo. Unawain natin ang mga tanong hindi iyong puro tanong lang tanong. Hanapin mo at laging isa-isip na hindi tayo pababayaan ng Maykapal. Inilagay tayo sa sitwasyong ganito dahil alam niyang makakaya natin ‘to. His plans are better than ours so ‘wag  nating pagdudahan pa. Tanggapin natin ang bawat pagsubok at paghihirap. Tanggapin natin kagaya ng pagtanggap niya sa atin kahit hindi tayo deserving.

Exit mobile version