Pwede ba? Pwede bang tigilan mo ang pagsasabi ng “BAHALA NA ANG TADHANA” dahil unang una, hindi ka na bata. Alam mo na kung anong tama at mali, alam mo na kung anong gusto mo at hindi. Bakit mo iaasa sa isang bagay na hindi sigurado yung mga bagay at tao na gusto mong maipanalo? Bakit mo iaasa sa isang bagay na hindi sigurado yung mga bagay at tao na hindi mo naman talaga kayang mawala sayo? Gusto mong makuha, pero ayaw mong sumugal? So paano, saan ka na lulugar?
Alam kong madalas hindi natin kontrolado ang mga nangyayari sa buhay natin, pero may mga bagay na minsan kailangan natin pilitin. May mga bagay at tao na kailangan natin ipaglaban, mga bagay at tao na hindi naman deserve na iasa mo nalang sa kapalaran. Dito, bibigyan kita ng apat na dahilan kung bakit hindi ka dapat maniwala sa “tadhana”.
KUNG GUSTO MO TALAGA, GAGAWAN MO NG PARAAN PARA MAKUHA. Naniniwala akong kapag may gustong gusto tayong bagay o tao, gagawin natin lahat ng paraan para makuha ‘to. Hindi mo iaasa sa tadhana na ngayon, pag naghiwalay kayo, isang araw magkikita kayo ulit tapos okay na. Hindi lahat ng pwede na, pwede pa. Baka mas pagsisihan mo kapag nakuha yan ng iba. Kung talagang mahalaga siya sayo, hindi mo na hahayaang mawala pa. Gawan mo ng paraan, hindi mo alam, baka pang habang buhay na yan.
ANG BUHAY AY HINDI ISANG PELIKULA. Tigil tigilan mo ako sa mga “isang araw, magkikita tayo ulit”. Bakit kailangan magkita ulit kung pwede namang hindi humiwalay? Oo, may mga masweswerteng tao na parang pelikula ang istorya, pero ikaw? Papayag ka bang hindi ikaw ang susulat sa ending ng kwento mo? Papayag ka bang magintay nalang sa mga bagay na walang kasiguraduhan kahit alam mo sa sarili mong sigurado ka na sa nararamdaman mo? Maraming pwedeng mangyari, maraming pwedeng masaktan, maraming pwedeng matuwa, maraming pwedeng madamay, maraming pwedeng tumulong, hindi mo madalas kontrolado ang sitwasyon, pero kung gagamitan mo ng utak at puso, mas marami pa rin ang magiging dahilan para piliin mo kung saan ka talaga mas sasaya, hindi ka dapat magpadala sa sasabihin ng iba.
DUWAG LANG ANG UMAASA SA TADHANA. Aminin mo man o hindi, madalas ginagawa nalang nating excuse ang “tadhana” kasi natatakot tayong lumaban. Natatakot tayo na baka sa dulo, talo naman. May nagsabi sakin, mas pipiliin daw nyang mahirapan kesa hindi nya masubukan. Kung iaasa mo nalang sa “isang araw” lahat ng gusto mo, walang mangyayari sayo. Hindi ka dapat matakot, hindi mo dapat katakutan ang masaktan, ang umiyak, lalo na ang matalo. Kasi sigurado ako, kapag inilaban mo, masugatan ka man o madapa, sasaluhin ka ng taong ipinaglalaban mo. Ganon naman di ba? Hindi pwedeng isa lang ang matapang, dapat pareho nyong gusto.
FAITH SHOULD ALWAYS BE BIGGER THAN FATE. Mas piliin mong maniwalang kapag lumaban ka, maipapanalo mo. Let your faith be bigger than your belief in fate. Mas maniwala ka, lalo na sa mga panahong mahirap maniwala. Mas piliin mong maniwala, kesa hayaan mong yung bagay o tao na gusto mo ay tuluyan nalang mawala. Let your faith in what you want be bigger than what you think fate can do. Binigyan ka ng kalayaan na pumili, piliin mo yung hindi mo pagsisisihan. Piliin mo yung sinisigaw ng puso mo. Piliin mo yung tama para sayo. Piliin mong palaging maniwala, because as long as there is love, all is possible.
Piliin mo yung OO kahit na maraming HINDI.
Piliin mo yung sayo ay TAMA kahit sa iba ay MALI.
Piliin mo yung MAHAL KITA kahit na gusto mong sabihing AYOKO NA.
Piliin mong IPANALO kahit pakiramdam mo ikaw ay TALO.
Piliin mong minsang UMIYAK kung kapalit naman ay palaging TAWA.
Piliin mo yung IPAGLABAN NATIN kahit pakiramdam mo HINDI MO NA KAYA.
Piliin mo yung AYOKONG MAWALA KA kahit minsan naiisip mong IIWAN MO NA SYA.
Wag mong iasa sa tadhana, naniniwala ako sayo.