Baka bukas o baka hindi na talaga

Tila yata mapaglaro talaga ang tadhana
Sa dami ng lugar sa jeep pa tayo nagkita.
Kinakabahan, nagtataka. Baka ako’y namamalik-mata
Kinurap-kurap ko ang aking mga mata – di pa rin makapaniwala
Sa tabi ko ikaw ay hindi pa din nawala

Ilang minuto pa’y nag simula na ang tsuper mag maniobra
Kasabay nito ay ang pag tugtog ng di natin inaasahang kanta
Tagos sa puso at isipan ang bawat mga kataga
Na tila ba ang liriko ay patungkol sa ating dalawa,

Di man sadya, nag tagpo ang ating mga mata
Sabay pa ngang umiwas ng tingin na tila ba nahihiya
Wala ni isa sa atin ang nag tangkang magsalita,
Marahil tinitimbang pa ng dila ang bibigkasing mga wika

Pinagpatuloy natin ang pakikinig sa ritmo ng kanta…
Sari-saring damdamin dito ay nakapaloob pa
Habang sa isip ko’y ginugunita mga panahong tayo ay masaya pa
Nakaramdam ako ng panghihinayang bigla,
Hanggang doon na lamang ba talaga?

Pinagmasdan muli kita,
Nagulat ako ng nakita kong nakatingin ka
At nalungkot ako ng makita kong ngumiti ka
Ang ngiti sa iyong labi, ngayon ay hindi na umaabot sa mata
Ang dating matatamis na ngiti’y napalitan na ng lungkot
Bakas sa iyo ang nakaraang hindi pa rin nalimot.

Napaisip ako bigla, tama bang kausapin ka pa?

Apat na minuto ang haba ng ritmo ng kanta
Tatlong minuto na ang lumipas mula ng ito’y mag simula
Isang minuto pa at ito ay matatapos na
At Ilang minuto na lamang ay bababa ka na.
Maaaring araw, buwan at taon ulit bago tayo magkita.

Lakas loob na akong nag salita,
Unang sinambit ng bibig ang mga katagang kumusta ka na?
Ngunit kasabay ng aking pangugumusta ay ang pag sabi mo ng salitang “Para”.

Sayang….
Hindi man lang tayo nabigyan ng pagkakataon.

At sa paglingon ko sa iyong direksyon, sinambit mo ang mga katagang “Mahal pa rin kita”.

At sa paglayo ng aking paningin sa iyong pigura
Napuno ng luha ang aking mga mata.

Aasa na lamang ba tayo sa tadhana?

Baka nga hindi pa umaayon sa atin ang panahon sa ngayon,
Baka nga mali pa ang pagkakataon.
Baka bukas, baka sa susunod, o baka hindi na talaga.

Hindi ko alam, hindi natin alam.
Hindi sigurado kung may pagkakaton pa ba, o wala na talaga.

#Zylynwrites♡

Exit mobile version