Baka pwede pa

Baka pwede pa?

Baka pwede pang makita ko ang iyong mga matang nagniningning kapag nakikita kita, yung mga ngiti mong nakasisilaw na ako ang nagiging dahilan ng pag-ngiti mo, yung pakiramdam na sumasaya ka kapag nagkikita tayo, at yung boses mo na ang sarap pakinggan kapag tumatawa ka o kapag nagk-kwentuhan lang tayo. Baka pwede pang makita at marinig kita muli.

Baka pwede pa?

Baka pwede pang sumulyap kahit saglit, yung titignan ka lang kahit saglit kung paano mo inalagaan sarili mo habang wala ako sa piling mo, yung ipagkukumpara ko kung may nagbago ba kapag kumakain ka na mag-isa, at yung makita ko kung ginagawa mo pa ba yung mga hilig mo no’ng magkasama pa tayo. Baka pwede pang sumulyap kahit saglit lang.

Baka pwede pa?

Baka pwede pang abutin ang iyong mga kamay at isayaw ka, yung ulo mo’y nakasandal sa aking dibdib at pinapakinggan mo ang tibok ng aking puso, yung sasabayan mo lang yung galaw ng aking mga paa at katawan, yung maririnig mo lang ang aking pagkanta ng paborito nating kanta nang mahina, at yung nakapatong lang ang baba ko sa iyong ulo at sinusulit ang pagyakap ko sa iyo. Baka pwede pang ikulong kita muli sa aking mga bisig.

Baka pwede pa?

Baka pwede pang abutin natin pareho ang ating mga pangarap, yung uuntiin nating abutin isa-isa at dahan-dahan ang mga gusto nating makuha at makamit, yung sabay tayo gawin yung mga hilig natin pareho, at yung sinusuportahan natin ang isa’t isa sa mga pagsubok na dinadaanan ng isa sa atin. Baka pwede pang sumabay tayong dalawa sa pagkamit ng ating mga pangarap.

Baka pwede pa?

Baka pwede pang bumalik sa nakaraan at sa kung ano meron sa’ting dalawa noon, yung kaya pang pag-usapan ang pagkukulang at pagkakamali nating pareho, yung kaya pang ayusin sana ang mga naging alitan nating dalawa, at yung kaya pang buohin ulit yung pagsasama nating dalawa. Baka pwede pang punasan ko muli ang iyong mga matang bumabaha lagi ng luha.

Baka pwede pa?

Baka pwede pang bumalik sa’yo kahit ako nalang ang nagmamahal sa’ting dalawa.

Published
Categorized as Waiting

By Tin

Alexithymia is unable to express feelings or emotions. Now that I have the chance to express my true feelings, I'm going to break these barriers by sharing my own thoughts, feelings, and emotions.

Exit mobile version