Gaano ba kahirap sagutin ang mga tanong na bakit at paano?
Bakit mo tinapos? Paano mo nagawang iwan ako?
Bakit ako umasa sayo? Paano mo nagawang bitiwan ako?
Nung umalis ka, iniwan mo ako na kainin ng mga tanong na bakit at paano,
sa paglipas ng panahon, di na ako umaasa pa na may sasagot sa mga tanong ko.
Makalipas ang mahigit dalawang buwan, tila isang multo ika’y nagparamdam, bakit?
Nais mong malaman aking kalagayan?
Bakit?
Paano mo nagagawang paulit-ulit na ako’y saktan, iwanan sa ere, at hayaang lamunin ng kalungkutan.
Ang katanungan ko noong una ay lalong nadagdagan.
Oo, nais ko na bumalik ka ngunit ang pagpaparamdam mo ba ay senyales ng balikan o kumpirmasyon lang ng tuluyang pamamaalam?
Masakit, mahirap, magulo. Di ko alam kung bibitaw na ba ako? Sa tuwing maglalakad ako palayo tila ba ikaw ay isang hangin na humihila pabalik sakin, ngunit nung ako ay bumalik, wala ka pa rin.
Sabi nila ‘tama na’ ‘wag mong pansinin’ madaling sabihin, di ko kayang gawin, bakit nga ba mahirap ang limutin ka, paano ba ako bibitaw kung mahal na mahal pa kita?
Gusto ko ng sagot mo, kailangan ko ng sagot mo, bakit mo tatanungin ang kalagayan ko, kung alam mong una pa lang isa ka sa dahilan ng pagguho ng mundo ko, para bang nagsayang ako ng dalawang buwan, dahil sa ngayon, bumalik na naman ako sa umpisa, masakit, nakakapanghina, naghihintay na naman sa paliwanag na di ko makukuha.
Bakit mo pinaparamdam sakin ang ganito? Babalik ka pa ba? O bibitaw na ako?
Paano ko malalaman na hihinto na ako?
Kung sa tuwing hahakbang ako, may senyales ng pagbalik mo?
Bakit di mo na lang linawin ang lahat?
May bago ka na ba, tapos na ba talaga?
Bakit di mo ako diretsuhin, ano ba ang nais mong sabihin?
Paano ako makakalakad? Kung sa mga bakit ako ay patuloy na nakahawak?
Isa lang naman ang nais ko, sagutin mo ang bakit at paano. Kumpirmahin mo na wala na talagang tayo.