Tila isang balang sabik nang makawala
Ganyan ang mga tanong na sa isip ko’y nagwawala
Kung akin nga bang isisiwalat ay iyong masasagot?
O magiging dahilan lamang nang mas hindi ko magawang paglimot?
Tulirong damdamin ngayo’y ‘di na alam ang gagawin
Kahit saan mapunta nakikita’y ikaw pa rin
Ang mga ala-alang tanging natira sa atin
Kay sakit ibalik, kay sakit isipin
Pangako mong sambit ay anong tamis
Pinanghawakan ng pusong ikaw ay hindi na aalis
Subalit tiwala ko’y saan nga ba makararating?
Kung ang ‘yong katapatan ay kay hirap ring hanapin?
Bakit?
Ang halamang lanta ay maaaring diligan
Ang bagay na basa ay maaaring punasan
Ang batang umiiyak ay maaaring tumahan
Ngunit bakit kapag puso ang dahilan walang gamot ‘pag nasaktan?
Ako’y biktima ng isang kahapong puno nang kasinungalingan
Kasinungaling produkto ng isang tulad mong kamalian
Tunay ngang walang mali sa magmahal
Ngunit ang ikaw ang aking mahalin, ‘yon ang mali
Naaalala mo pa nga ba?
Nang minsang mong sinambit na pagmamahal mong alay ay sinlawak ng dagat?
Na kahit anong gawin ay hinding hindi masusukat?
Na pangarap mo sa akin ay sindami ng bituwin?
Na kahit anong mangyari ay iyong tutuparin?
Nasaan na lahat ng mga katagang yaon?
Na katulad mo’y dapat na ring limutin at ibaon?
Tulad nang kung paano mo ako inihalintulad sa dami ng bituwin
Ay ganon rin kadami ang ipinalit mo sa akin
Bakit nga ba?
Bakit mo ako ginulo kung hindi mo kayang panindigan?
Bakit mo ako minahal kung hindi mo kayang panghawakan?
Bakit mo ako hinawakan kung iyo rin lang bibitawan?
Bakit mo binitawan ang pusong ang alam ay mahalin ka lang?
Ngayon ang aking panulat ay ubos na ang tinta
Subalit ang aking mga mata’y patuloy pa rin sa pagluha
Sa aking kwaderno’y wala ng letrang mabasa
Ngunit aking mata’y ikaw pa rin ang nakikita
Ang langit ay nagdidilim
Kasabay nang pagbagsak ng pag-asang ikaw ay hindi na mapapasaakin
Ang mga bituwing nakapalibot sa buwan ay unti-unti nang nawawala
Kasabay nang kung paano ka nawala’t naiwan akong nag-iisa
Maaari pa nga ba?
Maaari pa nga bang muling maging akin ang sa ngayo’y sa kanya na rin?
Maaari pa nga bang ako’y muli pang mahalin kung siya na ang sigaw ng iyong damdamin?
Maaari pa nga bang maging tayo ulit ang ikaw at ako?
O ang tanging mayroon nalang ay ang ikaw at siyang mapagbalatkayo?
Tunay ngang kay hirap bumitaw kung sayo’y wala namang nakahawak
Tunay ngang kay hirap gamutin ang pusong iyong winasak
Ngunit ‘wag mag alala sapagkat puso’y alam na ang tama
Damdamin kong tulog ay muling gigising na
Sasalubungin ang muling pagsikat ng araw
At kasabay nito’y tuluyan nang bibitaw
Sasabayan ang paglipas ng buong maghapon
At sa buong magdamag ikaw ay tuluyan ng sa limot ay ibabaon