Hi, malinaw pa sa mga alaala ko kung paano nagsimula ang lahat sa simpleng pagpansin mo habang nasasaktan ako. Hindi ko sinasadya na sa bawat taludtod na binibitawan ko. May isang tao rin palang nasa kawalan katulad ko.
Kawalan dahil nawalan, hindi matatawaran ang sakit na nadarama ngunit nakahanap ako ng kakampi sa panahon na akala ko’y iniwan ako ng mundong ngayon ko lang natuklasan. Mundo ng pagmamahal na pinaranas lang at nagdaan.
Hindi matatawaran ang saya ko at tila ba nalimot ko ang sakit ng naiwan na puwang sa puso ko habang ikaw rin pala ay may puwang na pilit itinatago. Dinugtungan mo ang mga taludtod na isinulat ko at doon ako nagsimulang umasa na baka ikaw ang kukumpleto sa mga tula ko.
Wala akong inasahan pati nga ang pagdating mo ay hindi ko inaasahan. Maniwala ka, pinilit kong pigilan ang nararamdaman. Pinilit kong ikubli ang lahat na ang ginagawa ko sayo ay ginagawa ko sa lahat ng aking kaibigan ngunit ang naging pagkakamali, sinukuan ko ang pagpapanggap.
Nagsimula ako mangarap na baka balang araw ako’y iyong matatanggap hindi bilang isang kaibigan na handa sayo’y tumanggap ngunit isang irog na nagmamahal sayo ng walang halong pagpapanggap. Nanatili lang itong pangarap.
Wala akong ibang hiniling kundi ang kasiyahan mo kaya naman pinilit kong hanapin ito para sayo, sinubukan ko. Baka kasi sa pamamagitan nito malimutan mo na nasaktan ka at buksan mo ulit ang puso mo. Maniwala ka sumubok ako kahit na ang kalingkingan ko na alang ang kumakapit para hindi tuluyang bumagsak mula kinalalagyan ko. Sa paghahanap ko ng kasiyahan mo, nailigaw ko ang sarili ko. Hindi ko na makita, nasaan na nga ba ako? Sino na nga ba ang dahilan ng pag-iral ko?
Nagpatuloy ako, binaybay ko ang kalsadang hindi ko naman alam kung saan patungo. Napagod ako, lumingon at gusto ko bumalik ngunit may mga taong sa akin ay humalik, bumulong na “Ituloy mo, konti na lang makukuha mo rin ang gusto mo” kaya naman ang ulong lumingon at bumalik sa Sabi nila, gawin ko raw ang lahat para sayo. Sabi mo naman tumigil na ako. Tumigil naman ako ngunit bigla mong hinanap ang presensya ko. Ako naman ito, panay ang payo sayo mula ulo hanggang sa sumakit ang ulo mo.
Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses na ba ako nabalewala, laging iniisip na dibale na basta ang alam ko marami akong nagawa na nagdulot sa iyo ng tuwa. Iyon naman ang mahalaga at nais ko noong umpisa. Ang makita kang masaya at tumatawa dahil ramdam mong minahala ka.\
Ngunit ang pinakamatatag ay marunong din sumuko sa laban na hindi alam kung kailan tatapusin dahil naging biglaan ang simula. Unti-unti nang lumalabo ang mga usapan, naging madalas na rin ang hindi pagpapansinan at halos hindi ko na matandaan ang huling mensahe mong naramdaman kong ako ay minahal mo naman, nagpapasalamat ako sa magandang alaala at alam kong hindi ito ang huli nating pagkikita ngunit sana maipangako mo sa akin na sa araw man na tayo ay magtagpo muli, maaari mo bang ipakita ang saya na nais ko para sayo sa umpisa pa lang ng sulat na ito.
Huwag ka mag-alala, sumuko man ako hindi ka mawawala sa alaala, tsaka ko na tatapusin ang sulat na ito kapag nakahanap ka na ng tatanggap sayo ng buong buo at mamahalin ka niya nang higit pa sa pagmamahal na ibinigay ko sayo. Hindi ako mamamaalam dahil nais ko pa makita ang mga ngiti mo, habang tinitingnan ang babaeng hindi kailanman magiging ako.