Ang isang ito ay para sa kung sino man
ang nakapulot ng piraso ko na naiwan sa kung saan.
Hinanap, inalam, inalala ang nakaligtaan.
Bakit ba tila hindi ko matagpuan?
Pero pakibalik, pakisauli, pakibigay na lang.
Kailangan ko nang umaalis, hindi ako makalisan.
Kasi parang may kulang, parang may mali.
Bakit parang may gapos pero hindi ko makita yung tali?
Hinila, hinatak, hinigit ng makailang uli.
Pinilit na makawala, kahit hindi ko naman pinili.
Nahila, nahatak, nahigit at ‘di na nakabawi.
Walang nagsabi, pero sa tabi mo binigkis ang sarili.
Sa hindi ko pag-iisip ay biglang may napagtanto.
Biglang napagnilayan kung ano nga ba talaga tayo.
Naglakas loob, nagsabi, nagtanong at humarap sa’yo.
Pero para ‘kong nasakal sa mga sunod na binitawan mo.
Nahulog kasabay ng mga salita, ay kasama pati puso ko.
Dahan-dahan, pero may diin: “Masaya tayo.”
Ibinigay ang hindi mo hinihingi, kahit mas kailangan ko:
Oras, atensyon, pagmamahal at paninigurado
na sa iyo ang puso na kahit tinapakan, ay inialay ko ng buo.
Tiniis lahat ng hirap at pagod, manatili lamang sa tabi mo.
Sa hindi ko makitang gapos, sa hindi ko paglayo,
sa hindi ko pagiisip, ngayon ay nagsusumamo.
Pero para saan pa, hindi mo ‘ko gusto.
Hindi mo ‘ko gusto…
Pero sana sinabi mo.