“Ayun ang masakit na katotoohan ng damdamin, ginawa upang ating maramdaman.”
“Kung ito ay isa lamang nararamdaman, bakit nagagawa nitong mabago ang takbo ng buhay ko?”
Naniniwala ka bang lahat ng bagay sa mundo ay may itinadhanang gagawin kaya ito nalikha? Na hindi gagawa si Bathala ng isang bagay na walang halaga; oo lahat iyan ay may halaga, lahat iyan ay may dahilan at pagagamitan. Katulad na lang ng pagkain. Bakit ba ginawa ang pagkain? Upang may kainin ng mga tao at mabuhay. Bakit may damit? Upang may proteksyon sa katawan ng mga tao. Bakit tayo pumapasok sa paaralan? Upang matuto ng marami pang bagay, at etc. Napakadaming bagay na nalikha ang may kanya-kanyang itinadhanang gagawin… pero, may isang bagay akong naguguluhan ang halaga- ang damdamin. Bakit nga ba nagawa ang damdamin? Ano nga ba talaga ang itinadha nitong gagawin?
Sabi nila ginawa ang damdamin upang sabihin at ipakita. Ginawa ang damdamin upang iparamdam at maramdaman. Kaya masaya? Kaya nakakatuwa? Kaya nakakalito? Kaya nakakalungkot? Kaya nakakasakit? Kaya nakakadismaya? Kaya umiiyak? Ang damdamdamin daw ginawa upang sabihin? Pero bakit may mga taong takot o duwag at hindi maamin ang tunay nilang nararamdaman? Kasi natatakot sa kahihinatnan na baka masaktan lang sila sa hulihan. Hindi naisip ng mga taong iyon, na nasasakatan na din naman sila nang araw palang na pinili nilang hindi aminin ang kanyang nararamdaman at maging malabo na lamang ang lahat. Ang damdamin daw ay dapat ipinapadama? Pero bakit marami sa atin ang itinatago ang tunay nilang nararamdaman para sa taong mahalaga sa kanila? Kasi alam nilang hindi naman masusuklian ang damdaming ibibigay nila sa taong iyon? Pero hindi nila naisip na hindi naman iyon ang mahalaga. Hindi mahalaga kung naibalik niya ang parehong nararamdaman, dahil hindi natin pag-aari ang nararamdaman niya. Ang totoong mahalaga, ang nararamdaman natin sa ating sarili. Wala namang nagbawal sa atin na mahalin ang taong hindi tayo ang gusto. Kaya magmahal ka hanggat gusto mo. Walang sinuman ang makakapigil nito kung hindi ang sarili mo. Ginawa daw ang damdamin upang maramdaman. Ah, kaya masakit. Kaya nakakadurog ng puso kaya pilit kumakawala ang mga luha sa mga mata.
Sa dami ng kahulugan o dahilan kung bakit nagawa ang itong damdamin, ito lang ang natutunan ko. Ang damdamin ay mapusok. Ang damdamin, hindi natin nakikita pisikal, pero nagagawa nitong makontrol tayo, na kahit anong pilit nating isipin na wag maramdaman ang damdamin ayaw natin maramdaman- hindi ganoon kadaling pigilan. Na hindi natin mapipili ang nais nating maramdaman sa isang tao o sa isang sitwasyon. Kaya nitong makasira o makabuo ng isang relasyon. Hindi nakikita ng ating mga mata, pero sobrang nakakapagpasaya o nakakapagpasakit ng kalooban.
Kaya lang minsan, nakakagago lang din ang damdamin. Nakokonsensya dahil nakasakit ka pero dahil ang totoo, nasasaktan ka din dahil hindi mo na naipaliwanag ng buo ang nararamdaman mo. Naiinis ka dahil hindi mo magawang alisin o limutin o wag isipin ang nararamdaman mo para sa isang tao, dahil sa likod ng iyong utak, umaasa ka pa ding baka may posibilidad nga- kahit alam mong malinaw pa sa sikat ng araw na wala nga. Nakakagago hindi ba? Ito talaga ay isang malaking DAMN-D-AMIN.