Gagawan kita ng tula na nakakakilig sa simula
Ngunit mag-iiwan ng kirot sa puso ng mga mambabasa.
Unti-unting papatayin ang ngiti na nabuo sa paglalahad ng umpisa,
Tulad ng paulit-ulit mong pagpatay sa puso ko sa tuwing magpapaalam ka.
Gagawan kita ng tula na may malalalim na tayutay at may magandang ritmo,
Kasing ganda ng mga pangako mo sa tuwing magsisimula ulit tayo.
Isang tulang paulit-ulit mong babalikan kahit mapait ang dulo
Tulad ng paulit-ulit kong pagtanggap sa’yo kahit alam kong masasaktan na naman ako.
Gagawan kita ng tula, ‘yong may marami at mahabang taludturan.
Kasing dami ng mga paalam na paulit-ulit nating binitawan;
‘Sing haba ng kwento nating paulit-ulit nating pilit na winakasan.
Tulang maglalahad sa lalim ng pag-ibig na nagmula naman sa kawalan,
Mga kwentong lalaro sa isip na mahilig maghanap ng kasagutan.
Gagawan kita ng tula upang patuloy na mabuhay ang ating alaala.
Tulang buong layang maglalahad sa kung paanong minahal kita.
Tulang puno ng masasaya nating simula at magulong gitna;
Maging ang pangit at mga sandaling pumunit sa ating kaluluwa.
Tulang magpaparamdam lungkot sa tuwing lilisan ka.
Gagawa ako ng tula, para sa’yo at para sa’king gunita;
Tulang magtatakda ng simula ng dulo nating dalawa
Tapos na ang ating kabanata, Mahal ko, paalam na.
Malaya ka na.