Hindi lahat ng pinaglalaban ay kalaban-laban
May mga laban din na mas nakabubuting sukuan na lamang.
Yan ang natutunan ko ng magmahal ako ng taong hindi ako ang mahal. Ganun pala ang pakiramdam, kasama mo siya pero iba ang pangalang binabanggit niya. Kasama mo siya pero nakikita mong nasa iba ang atensyon niya. Iba ang iniiyakan niya, iba ang nagpapasaya sa kanya. Masakit pala pag kasama mo lang siya dahil hindi sila okay nung isa. Kasama mo lang siya kasi bored lang siya. Ang mas masakit pa dun nung manggaling mula sa bibig niya ang mga salitang kahit kailan hindi mapupunta sayo ang puso ko. Kahit pa anong gawin mo, hindi kita magugustuhan. Kaya naman mas pinili ko ng lumayo, umiwas at mamuhay ng malayo sa kanya. Kahit pa may isang bata na alam kong mawawalan ng ama, dahil mas inisip kong mas sasaya siya sa iba. Wala e, ayaw niya sa akin pero ang mas masakit pa dun pati yung batang nasa sinapupunan ko, inayawan din niya. Okay lang sanang inayawan niya, pero ang pilitin akong ipalaglag ang baby yun ang hindi ko na kinaya. Mahal ko siya, pero hindi sapat yun para gumawa ako ng masama. Kaya ang laban para sana may buo kaming pamilya ay sinuko ko na. Kakayanin ko ito mag-isa. Hindi man ako makahanap ng tunay na pag-ibig sa iba, masaya na kong binigyan ako ng napakagandang biyaya. Ang magkaroon ng isang munting anghel.