Limang minuto bago tuluyang maiwan ng eroplano.
Habang ako’y iyong hinihintay sa may pasilyo.
Hawak-hawak ang kapeng ating pagsasaluhan
Mahal tanda mo pa ba? Noong atin itong napag’planuhan?
Di mapawi ang ngiti at bakas sa’yo ang pananabik
Pananabik sa aking mga ngiti, yakap at halik.
Sa umpisa tila walang salitang maisasambit
Sa halip ay isang yakap lang, na napaka higpit.
Labis ang aking tuwa at nahagkan na kita
Ang sarap sa pakiramdam, na mayakap ka na.
Walang palalampasin na bawat minuto
Susulitin, kahit pa isang segundo.
Limang minuto bago mag’alas tres ng umaga.
Nagising sa panaginip na tila ko’y totoo na,
Sisimulan ang araw sa isang tasa ng kape
Pilit na inaalala ang bawat mensahe.
Nagdulot ito ng mas lalo pang pananabik
Na sana totoo, ang mga yakap mo’t halik.
“MAHAL KITA”, salitang nais kong masambit
Ngunit pawang imahinasyon lang ang bawat saglit.
Masaya ako at nahagkan na kita
Di ko matanggap, na panaginip lang pala.
Ang daming nasayang na oras at minuto
Hindi man lang nagkatotoo, kahit na isang segundo.
Lumipad na papalayo ang eroplano.
Tuluyan ngang naiwan at nag-iisa na ako,
Gayunpaman naging masaya narin ako
Na kahit papano, sa panaginip ay natupad ito.