Friends Pa Rin Ba?

Isa sa pinakamahirap na feelings sa mundo eh ‘yung magkagusto ka sa kaibigan mo. Dahil sa tinagal-tagal nyong magkaibigan, alam mong hanggang doon nalang ‘yung pagtingin niya sayo. Alam mong hindi na lalalim, alam mong hindi na lalago, alam mong wala na ibang lilikuan. Dere-derecho. Dere-derecho sa pagiging magkaibigan.

Ako, nagmahal ako ng kaibigan. Nahulog sa mga titig at ngiti nya na para bang nakakatanggal sa lahat ng pagod na nararamdaman ko. Nahulog ako sa mga  “kaya mo yan!”, at “nandito lang ako para sa’yo” pati na rin sa mga paghagod ng likod at pagyakap ng patigilid nung mga panahong sinaktan ako ng ibang tao. Nahulog ako habang dahan-dahan niyang ipinapakita ang buong nyang pagkatao. Nahulog ako sa mga katagang, “Kaya ako’y sayo eh” at “Ako, mahal kita” pero ibang pagmamahal pala ang tinutukoy nya. Nahulog ako, pero nakabitin ako sa sitwasyong mahal nya rin ako at mahal nya lang ako bilang kaibigan. Nahulog ako pero habang pabagsak na ako, tanging kamay ko lang ang hawak nya at hindi ang puso ko. Nahulog ako habang alam kong unti-unti rin syang nahuhulog sa ibang tao. Nahulog ako, pero walang ibang sumalo kundi ang sarili ko.

Sinubukan kong timbangin ang nararamdaman ko, dahil baka natutuwa lang ako kasi may isang taong isang tawag ko lang, nandyan na. Na baka masaya lang ako kasi palaging may nakasubaybay sa mga nangyayari sa buhay ko. Na baka masaya lang ako na may taong concerned palagi saakin. Pero hindi pala, totoong mahal ko na sya. Totoong hindi ko namalayan na ang lalim na pala ng pagtingin ko sa kanya. Na tipong ayokong may ikukwento siyang ibang babae. Na tipong ayokong isipin na may nagugustuhan na sya. Na tipong dinadasal ko na araw-araw na sana, sya nalang. Na sana isang araw, sabihin nyang higit pa sa kaibigan ang nararamdaman nya.

Ang hirap pala. Kasi, habang palalim ng palalim ang pagtingin ko sa kanya, pakiramdam ko, unti-unti na ding nawawala ang pagkakaibigan naming dalawa. Pakiramdam ko ang unfair ko kasi pakiramdam ko, nagte-take advantage ako sa kanya. Pakiramdam ko, palagi akong nag-i-imagine na kaming dalawa pero pagdating ng gabi, ako lang pala talagang mag-isa. Kaya naman, kahit mabigat,  gumawa ako ng desisyon. Pinag-isipan kong mabuti. Dapat mawala na ang pakiramdam ko na ‘to. Bahala na sa kakahinatnan nito. Kaya sinabi ko sa kanya.

Pero sana hindi nalang pala.

Hindi naman sya lumayo. Pero ang sakit pala na sa kanya mismo manggaling na hanggang friends lang talaga kayo. Ang sakit marinig ang, “Ako kasi kaibigan kita. Syempre, ayokong mawala ‘yung friendship natin. Hindi naman ako magbabago. Ganto pa din ako. Kung paano tayo dati, ganto pa din ako hanggang ngayon”.

Ang hirap mag confess. Kasi kahit anong sabihing hindi magbabago, may magbabago at magbabago. May lalabo at may mawawala. Hindi na katulad ng dati. Hindi na pwede ang mga tawag at texts ng madaling araw, hindi na pwede ang sabay kakain, hindi na pwede na pwede ang, “tara! gala tayo!”. Kasi, may damdamin nang nakasalalay.

Ang hirap i-let go ang feelings para maisalba ang friendship.

Pero kahit anong convince ko sa sarili ko na hindi naman ako dapat masaktan, sobrang sakit pa din pala. Parang mas masakit pa yata sa break-up. Yung iningatan kong friendship, nawala bigla pagkatapos kong sabihin ang mga salitang, “Mahal kita.” Lalo na nung sinabi nyang, “Ayokong mawala ang friendship”. Dahil sa mga salitang ‘yun, alam kong wala nang pag-asa. Friends lang.

Pero, friends pa rin ba?

Exit mobile version