Gusto kitang ipaglaban

Gusto kitang ipaglaban
pero pwede ba munang magpahinga?
Maari ba namang huminga
Mula sa samut-saring sakit at pait
Mula sa pagkahapong hindi naalis
Mula sa kapagurang tila laging nandiyan.

Pagod na ako
Pero gusto kong huwag kang sukuan
Kaya maari bang sa aking pagkahapo
Kamay ko ay hawakan mo
At ipaalala kung saan at paano
Paano nagsimula ang lahat ng ito.

Gusto kitang kausapin, kamustahin
Pero sa tuwing tinatangka kong gawin
Lagi mong pinaparamdam at aking napapansin
Na masaya ka, okey ka lang, walang sakit, walang pait
At mapapaisip na lamang ako
“Huwag na, okey lang naman siya”

Gusto kong magpatuloy,
gusto kong sumugal
gusto kong sumubok muli pero teka lang
Paano ako susugal sa isang bagay
na sa una palang ako ay talunan
paano ako magpapatuloy
kung ang direksyon ay hindi malinaw
Paano ako susubok kung sa huli
Mag-isa akong haharap sa pagsubok.

Kailangan ko na bang bumitaw?
Alam ko ang kasagutan pero ako ay nahihirapan
At sa isang kaibuturan ng aking puso
Nais pa rin kitang ipaglaban
nais ipagpatuloy ang ating nasimulan,
kahit pa ang kapalit nito
ako ay patuloy na masasaktan.

Exit mobile version