“Gusto Ko lang Naman Umuwi”

I’m Just Too Far
To Where You Are
I Want To Go Home

Gusto ko lang naman umuwi. Gusto ko lang naman magpahinga. Gusto ko lang tumakas. Gusto ko lang ipikit ang aking mga mata. Gusto ko lang humiga. Gusto kong mawala sa kawalan. Gusto kong maligaw sa daang ‘di ako pamilyar. Gusto kong maramdaman ang hangin, kung paano ito humahampas sa mga dahon. Gusto kong marinig ang pag-agos ng tubig sa ilog, kung saan ito papunta. Gusto kong marinig ang paghampas ng mga alon sa dalampasigan, anu ang gustong ibulong nitong ibulong. Gusto kong marinig ang mga ibon. Matagal ko na ring nakalimutan kung bakit at paano sila kumakanta. Gusto ko lang ipikit ang aking mga mata habang unti-unti akong nawawala sa kawalan

Gusto ko lang naman umuwi. Gusto kong tumakas sa ingay ng mga sasakyan sa kalye. Ayaw kong makarinig pansamantala o panghabambuhay na ng mga bulungan ng mga tao sa paligid. Ayaw ko nang marinig ang bawat ingay na gawa ng mga bagay na materyal sa mundo. Ayaw ko nang makarinig ng pagbagsak ng mga pader na semento. Ayaw ko nang makarinig ng pagkalansing ng makasalanang pera. Ni makarinig ng pagkiskis ng matitigas na bakal. Ayaw ko nang makakita ng mga aandap-andap na mga ilaw. Lalo na ‘yung makukulay at tila hinahatak akong gumawa ng mga ipinagbabawal. Ayaw ko lang naman sa mundo. Gusto ko lang naman huminga.

Gusto ko lang naman umuwi. Gusto ko lang naman hawakan ang kamay ng nanay at tatay ko. Gusto kong maramdaman na may mga tao pa ring handa akong tanggapin sa kabila ng mga failures ko sa buhay. Ni isa, wala akong naipanalong mga laban. Ni isa, wala akong narating sa mga pangarap ko. Ni isa, wala akong natupad man lang sa mga plano ko. I’m a total failure, a total mess. Pero gusto ko pa rin hawakan ang mga kamay ng dalawang taong alam ko na sa kabila ng lahat ng kamalian ko sa buhay, kaya pa rin nila akong ipagmalaki. Kaya nilang sabihin na, “Anak, pahinga ka muna. Start ka na lang ulit ng journey mo pag okay ka na. Start ka na lang ulit ng laban mo pag okay na ang lahat.” Gusto ko lang na yakapin nila ako ulit, kasi alam kong tanggap pa rin nila.

Gusto ko lang naman umuwi. Maupo sa gitna ng isang napakalawak na damuhan habang nakapikit ang dalawa kong mata. Unti-unting binabalot ng puti ang buong paligid at unti-unti akong nawawala sa kawalan. Gusto ko lang naman kausapin ang nasa “Taas.” Wala naman akong gustong itanong sa kanya. Sa kabila ng mga kabiguan ko sa buhay, gusto ko lang magpasalamat. Gusto ko lang na yakapin “Niya” ako. Gusto ko lang na maupo “Siya” sa tabi ko. Kung pwede nga lang, gusto ko lang marinig ang boses niya na habang binibulungan niya ako:

“Anak, alam mo namang never kitang iniwan sa lahat ng lakad mo sa buhay. Never akong nahuli, never din akong nauna sa’yo. At the lowest and even highest moments sa buhay mo, nandun ako. Nandoon ako sa mga oras na naaalala mong manalangin kapag binabagyo ka na. Nandoon rin ako ‘nung mga oras na nakalimutan mo ako dahil lang lunod na lunod ka na sa kasiyahan at karangyaan. Anak, never akong natulog at never akong huminto. ‘Yung mga oras na hindi mo na talaga kaya, binuhat kita kasi alam kong ayaw mo pang sumuko. Anak, never akong na-late sa pagdating ‘nung mga oras na halos nalulunod at nababaon ka na. Ikaw lang naman ‘tong nakalimot sa akin. Pero ako, ni pagkurap ng mata mo at paghikab mo ay alam ko. Anak, magpahinga ka muna. Subukan mo na lang ulit pag okay ka na, kapag okay na ang lahat.”

Gusto ko lang naman umuwi.

Gusto ko lang naman mawala sa isang lugar na hindi ako pamilyar…

I’m Just Too Far
To Where You Are
I Want To Go Home

Photo Credit: Google on Display
Lyrics From: Home by Michael Buble

Parkenstacker

 

 

 

 

 

Exit mobile version