Masarap magmahal, ngunit tandaan mo bawat saya may kasamang lungkot. Bawat sarap may kaakibat na sakit. Bawat ngiti may luha. Bawat umpisa may huli.
Yan ang natutunan ko sa una kong pag-ibig. Nagmahal ako ng taong hindi ko inaasahang mahalin.
Minahal ko siya ng buo, bawat ngiti, bawat saya, bawat yakap at halik hindi ko inaasahang may kapalit.
Masaya ako sa bawat sandaling kasama ko siya, napapangiti sa tuwing nakikita, kinakabahan kapag kinakausap na, bawat sandali lagi kong inaalala.
Mahal ko siya, hanggang sa umabot ang pagmamahal ko sa puntong kahit anong mangyari siya pa rin ang pinaniniwalaan ko. Naniniwala ako sa kanya kahit ang lahat tumatalikod na.
Isang gabi, sinabi niya na ang mga salitang matagal ko nang hinihintay. “Handa na ko at gusto kita” mga salitang nasambit niya nung nag usap kaming dalawa.
Hindi ako makapaniwala, hindi ko alam ang mararamdaman ko. Totoong handa na ba ako? Kaya ko ba siyang mahalin at ipaglaban? Iyan ang mga tanong na naglalaro sa aking isipan.
Ilang araw ang lumipas, naging masaya naman ang lahat. Masaya ang mga kaibigan ko at mga taong nagmamahal saming dalawa.
Akala naming lahat pangmatagalan na, ngunit isang araw bigla nalang siyang nawala. Bigla niya nalang nasabi na may problema, na hindi ako pwedeng madamay.
Gusto ko siyang ipaglaban, pero paano? Kung ang taong mahal ko, ayaw na lumaban pa ako.
Pagkatapos ng lahat ng saya, nasabi ko sa sarili ko “tapos na ang lahat, wala na siya” nawala na sakin ang taong una kong minahal, ang taong kauna unahan kong pinakilalang lubusan ang sarili ko.
Sa tuwing naiisip ko siya, tumutulo ang luha sa aking mga mata. Pinipigilan ang mga luha, pinapanatiling laging kaya pa.. kahit hindi na talaga. Ikinukubli ang lungkot sa mga ngiti.
Naranasang uminom kasama ang barkada, kumilala ng bago pero ikaw pa din talaga. Nakasakit ako iba dahil hindi kita makalimutan, nagalit sila dahil mahal pa rin kita.
Ang tagal na nung huli tayong nag usap, pero bakit hindi kita makalimutan? Hindi ko alam ang gagawin ko sa sarili ko, nagmahal lang naman kasi ako.
Ilang buwan ang lumipas at napagtanto ko na ang lahat. Nakapag-isip isip na rin ako. Dahan dahang tinanggap na hindi tayo ang itinadhana, na may iba pang darating sakin, satin.
Hindi man kita lubusang makalimutan dahil sa mga masasayang alaala nating dalawa. Ngunit tanggap ko na, tanggap ko nang hindi tayo para sa isa’t isa.
Para sa una kong pag-ibig, maraming salamat. Salamat sa mga masasayang alaala at sa mga aral na hanggang ngayon kasama ko pa kahit ikaw, hindi na.
Salamat sa bawat saya at ngiti. Salamat sa kilig at lambing.
Sa lahat ng pait na aking naranasan, wala akong pinagsisihan. Nagmahal ako, kasi nagmamahal ako.
Masarap magmahal, ngunit handa na ba ulit ako?