HANGGANG SA ATING PAGTANDA

Darating ang araw na hindi na natin magagawa ang maglakbay at magliwaliw sa malayo sapagkat mahina na ang mga tuhod at likod natin. Pero balikan natin sa tulong ng mga larawan kung paano natin sabay na inakyat ang mga matataas na bundok. Sana sa pag-alalay mo sa akin upang hindi ako mahulog o madapa ay alalayan mo rin ako hanggang sa ating pagtanda.

Balikan natin kung paano mo ako tinuruang lumangoy at makipaglaro sa mga alon. Sana kahit anong laki o lakas ng hampas ng alon ang dumating sa ating buhay, ay mas malalim pa sa dagat ang pagmamahal mo sa akin hanggang sa ating pagtanda.

Isang araw, kakausapin mo ako ngunit ipapaulit ko sayo ang iyong sinabi sapagkat ako’y nabibingi na. Sana ‘wag kang magsasawang kantahan ako ng mga paborito nating kanta. At mas lalong wag kang magsasawang sabihin sa aking mahal mo ako sapagkat mahal din kita.

Sa ating pagtanda, kukulubot na ang aking balat at puputi na rin ang aking buhok. Sana kapag dumating ang araw na iyon, itatanong mo pa rin kung bakit ang ganda ko sa mga hindi inaasahang pagkakataon. Kasi para sa akin ikaw pa rin ang pinakagwapong lalaki sa buhay ko hanggang sa ating pagtanda.

Maaring mamanhid na rin ang ating mga kamay o iba pang bahagi ng katawan dulot ng katandaan. Pero sa kabila ng panginginig ay hawakan mo pa rin ang aking mga kamay. Sana kahit na ang katawan natin ay hindi na makaramdam ay iparamdam mo pa rin na mahal mo ako hanggang sa ating pagtanda.

At darating rin sa puntong makakalimutan natin kung saan natin nilagay ang ating mga gamit sa bahay. Maaring hindi na rin natin maalala yung araw kung kailan tayo nagkakilala, yung araw na sinagot kita at tayo ay naging magnobyo at nobya. Pati na rin yung araw ng kasal natin. Pero mahal ko, wag mo akong kakalimutan ha. Dahil ako? Hindi ako magsasawang ipaalala sayo na ikaw lang ang lalaking mamahalin ko sa buong buhay ko.

Exit mobile version