Hiling ko.

May mga pagkakataon na napapaisip tayo, kailan kaya darating ung taong pipiliin tayo sa araw araw, hindi man tayo ganoon kahiwaga. Mali bang ako mismo ang naghanap at hindi naghintay?

Isang araw, napa download na lang ako ng isang dating app, swipe dito, swipe doon. Tila ba namimili ng taong papanain ni kupido. Tanging hiling “hayyyy siya nawa”. Napatigil at napatitig sa larawan mong mga mata’y kay singkit. Swipe right, baka kasi ikaw na si Mr. Right. Gulat at tuwa ng biglang lumabas ang mga katagang “you and…. MATCHED”, tila ba nabuhayan ang loob na baka ikaw na nga.

Nagkausap, nagkakilanlan, nagkapalagayan. Isang araw natagpuan ko na lang ang sarili kong papunta sa Pambansang Museo upang makita at mas makilala ka. Lumipas ang mga araw, araw na tila walang kulay, simple, walang buhay ay nagiba, nakita ko na lang ang sarili ko sa salamin na napakasaya habang ikaw ang kasama. Naglalakad sa Intra, naikot ang iba’t ibang museo at simbahan sa Maynila, dinadama ang ganda ng Luneta.

Napaisip ako, kupido eto na ba talaga ito? Dahil parang napana mo na ang puso ko, sakanya rin kaya ay ganito? Lumipas ang buwan, koneksyon nati’y higit na ata sa pagkakaibigan. Ngunit sa mas pagkakilala ko sayo, ay natagpuan ko rin ang isa, isa pang taong tila bumubuo rin ng araw mo. Isang Kaibigan wari mo.

Pero sa aking pagiisip, ako’y kaibigan mo lang rin naman. Bakit may kirot? Bakit may sakit? Na sa mga araw na hindi tayo ang magkasama, kayo pala ang siyang nagkikita. Daming tanong na hindi ko magawang itanong, dahil sa takot na ang sagot ay ang mga katagang mananakit at magpapaluha sa aking puso. Mali ba na sa loob ng halos ilang buwan ay nahulog na ako?

Ikaw naman kasi eh, pinakilala mo ako sa iyong mga kaibigan, pati kapatid at magulang. Sa bawat pag akbay mo, sa pagtitig sa mga mata ko. Sa bawat paghawak sa aking mga kamay, at ngiti na sumisilay. Akala ko kasabay ng paghulog ko, ang siya ring paghulog mo. Pero nagkamali ata ako, nagkamali ba ako? Pasensya na, hindi ko kasi kayang tanungin ka ng direkta. Tanong ng iba, “Ano ba kayo?”, gusto kong sagutin na “yan nga rin ang tanong ko”.

Nahihirapan, nasasaktan. Kupido bakit ka naman ganyan? Sa paglipas ng mga buwan, sa paglalim ng aking nararamdaman. Mas napapansin ko ang mga pagbabago, napapansin ang tila araw araw na pagkikita noon ay napapalitan ng isang beses na lamang ngayon. Marami ka ba talagang ginagawa? O sadyang, atensyon mo’y nasa iba na. Teka, ano nga ba ang aking magagawa, eh siya naman ang nauna.

Hiling ko sana sa oras na handa na muli akong masaktan, maitanong ko na lahat ng tanong. Masabi ko na lahat ng sakit at selos na nadarama. Masabi ko na rin ng direkta sa mga singkit mong mata, ang salitang Mahal kita.

Hiling na magkaroon ng kahit maliit na pagkakataon kapag tinanong ko kung ako ba o siya. Ako, ako sana ang siyang piliin mo.

 

Exit mobile version