Hindi Ako Anghel

Hindi ko makakalimutan ang sinabi mo na para akong isang anghel. Natatawa na nayayamot ako sa tuwing sinasabi mo yun sa ‘kin noon.

Hindi ko alam kung inaasar mo ba ako o pinupuri. Lagi mo kasi akong binibiro kaya minsan nalilito ako kung kailan ka nagsasabi ng totoo at kung kailan ka nagpapatawa.

Okay na sana kung biro lang lahat pero dinugtungan mo pa na anghel sana ako kaso wala akong pakpak at kaya ako nasa lupa dahil naghihintay ako ng tutulong sa ‘kin para maibalik ang mga pakpak ko.

Ikaw yun. Sabi mo ikaw yun. Binibida mo laging ikaw yun. Sabi mo ikaw ang tutulong sa ‘kin para makalipad.

Kinukulit mo ako lagi na ilabas ko ang mga pakpak ko sabay tawa kaya minsan hindi mapigilan ng mabigat kong kamay na dumampi sa braso mo.

Minsan naging seryoso ka. Sinabi mo nang paulit-ulit na kailangan kong makalipad nang muling makita ng mata kong puno ng pag-asa ang mundo.

Natatawa nga ako sa ‘yo noon dahil sa loob-loob ko kilala ko ang sarili ko.

Hindi ako anghel.

Hindi ako kasing buti tulad ng naiisip mo.

Malayong-malayo.

Kasing layo ng bituin at nang mata kong ito na tumititig sa kanila.

Kinikilabutan ako sa tuwing sinasabi mong anghel ako.

Pero nariyan ka lagi at naniniwala sa ‘kin na mabuti ako.

Naniwala ka pero binigo kita.

Pinagtawanan pa nga.

Sinaktan.

Hindi pinagkatiwalaan.

Pinakita at pinamukang mali ka at tama ako.

Mali ka na ang tingin mo sa ‘kin ay mabuti ako tulad ng anghel at tama ako na kahit anong gawin kong kabutihan huhusgahan pa rin ako ng mundo bilang makasalanan.

Paulit-ulit pero parati kang bumabalik at hindi mo ‘ko sinukuan.

Natatakot ako na sa bandang huli ay mabigo kita kaya nagduda ako sa sarili ko.

Kaya ko bang maging mabuting tao?

Kaya ko bang maging anghel tulad ng sabi mo?

Kaya ko bang lumipad para makita ko mismo na ang mga anghel ay totoo?

Hanggang dumating tayo sa hangganan.

Nasanay siguro ako na sa tuwing tinutulak kitang palayo ay hahakbang ka ng doble sa pag-atras ko.

Nasanay siguro ako na may taong parating naniniwalang mabuti ako sa kabila panghuhusga sa ‘kin ng mundo.

Nandyan ka kasi kaya heto, nasanay ako.

Hindi ko makakalimutan ang gabing kinakatatakutan ko.

Kapwa tayo nakatingala at pinagmamasdan ang maliliit na liwanag na tila butas sa ilalim ng langit.

Napakamisteryoso ng mundo na kung pa’no ka dumating at kung pa’no ka ngayon aalis ay parang kisipmatang di ko napigilan.

Nilingon kita habang nakasilip ka pa rin sa langit na paborito mong pagmasdan.

Tumutulo ang luha mo at alam ko sa sarili ko na tama nga ako.

Masama nga talaga ako at iyon ang totoo.

Gusto kong humingi ng tawad pero hindi man lang maibuka ng bibig ko ang mga katagang ito samantalang sa tuwing inaaway kita noon ay hindi mabilang na salita ang kayang ibigkas ng labing ito.

Gusto kitang yakapin sa huling pagkakataon pero tila nagyeyelo na ang puso ko.

Gusto kitang makasama pa sa mga susunod pang araw, sa mga susunod pang buwan, taon at dekada hanggang sa kusa na lang huminto ang pagtibok ng puso kong ito pero hindi na ata pwede dahil ngayon pa lang ay nagdurugo ka na.

Hindi pala ako ang may kailangan ng pakpak.

Ikaw ang mas karapat-dapat na lumipad, makalayo at kailangan nang pakawalan.

Bibitiwan ko na ang kadena na gumagapos sa puso mong kailangan nang lumaya ngayon.

Pinagmasdan mo ang pagbitiw ko at pinagmasdan ko ang paglayo mo.

Sumisigaw ang puso kong isang laban pa dahil sa tingin ko kaya ko nang magbago.

Hahabulin pa sana kita pero namalayan ko na lang na nakaposas na ang mga paa ko at hindi na makatakbo.

Habang lumalayo ka bigla ko na namang naalala.

Hindi ko makakalimutan ang sinabi mo na para akong isang anghel. Natatawa na nayayamot ako sa tuwing sinasabi mo yun sa ‘kin noon.

Kaya ko bang maging mabuting tao?

Kaya ko bang maging anghel tulad ng sabi mo?

Kaya ko bang lumipad para makita ko mismo na ang mga anghel ay totoo?

Hanggang pareho nating narating ang dulo.

At heto nga, hindi ako isang anghel at iyon ang napatunayan ko.

Patawad. Ako pala ang nag-iisang taong nakakapanakit sa ‘yo.

Malaya ka na. Malaya na mula sa isang tulad ko.

Exit mobile version