Hindi Ako Pinili

Naiwan nanaman akong mag-isa, tangina.

 

Wala na ba talagang mananatili at magpapasaya? Kung gaano mo kabilis napagaang muli ang dibdib, ganoon din kabilis napalitan ng pait. Bigla kang nawala. Isang araw bigla na lang nagbago lahat. Pakiramdam ko ako’y iniiwasan ngunit hindi ko alam kung nagmula ay saan. Kagaya ka rin naman pala nila. Aalis kung kailan nasa taas na. Pang-ilan ka na nga ba sa mga nang-iwan at nagpaasa? Tangina, hindi na ‘ko naging masaya.

 

Inipon lahat ng galit upang ako sa’yo ay hindi na umulit. Ga’no katagal pa? Ga’no katagal pa ang hihintayin ko bago ako maging masaya? Sana sa bawat buntong-hininga, mawala na din ang bigat na nadarama. Kapag tayo’y nagkikita’y parang hindi magkakilala. Bakit tila biglang nag-iba? Hindi alam kung may nagawa ba’ng mali ngunit pakiusap lang ako’y pansinin mong muli. Maiiwan nanaman ang pusong sawi, kailan kaya makakabawi?

 

Hindi ko na alam kung ano ang dapat gawin upang sa huli ako naman ang iyong hanapin. Hindi na alam kung saan pupunta kung tila bawat daan ay sa’yo pa rin papunta. Nagtatanong kung sa akin ba ay may mali, bakit kahit kailan ay hindi pa ko pinili? Pagod na ‘kong patunayan ang sarili ko kung sa huli lagi naman akong niloloko. Bakit ba lagi akong napupunta sa gago? Heto nanaman ako, nagpapaka-bobo.

 

Sa bawat salita ako ay napaniwala mo. Sa bawat kilos, ako ay naloko mo. Bakit ba madali akong maniwala? Heto tuloy ako, mukhang kawawa. Hindi na yata nagsawa ang pusong nawawala. Hindi na dapat kita pinagbigyan kung umpisa pa lang alam ko nang ikaw ay ganyan. Pero ako ‘tong si tanga, umaasang baka ikaw na nga. Tapos ano ang nangyari sa huli? Tumawa tayong lahat dahil ako ay umiyak lang muli.

 

Ngunit kahit ang puso ko ay pagod na, kahit tila mga luha ko’y ubos na, hindi pa rin yata nadadala. Sa susunod na may muling magtangka, pintuan ko’y muling bubuksan sa pag-asang baka iyon na ang kasiyahang inaasam. Alam kong posibleng sa huli, ako ay maiiwan ding muli. Alam kong posibleng sa huli, ako ay iiyak ding muli. Ngunit patuloy akong susubok hanapin ang sagot sa mga ‘bakit’ at handa naman akong tiisin ang sakit. Sa panahon naman kasi ngayon, hindi na bago ang iwan ka. Ang bago, ay ‘yong manatili siya.

By Ligaya

Tawagin niyo na lang akong Ligaya Salitang mas malalim sa masaya Nahanap ang pag-ibig sa pagsulat Ngunit 'di kayang gamutin ang sugat

Exit mobile version