Hindi Pokmaru Kundi Petmalu

Hindi Pokmaru Kundi Petmalu

#Peg_Ebeg

‘’O pag-ibig na makapangyarihan…’pag ikaw ay nasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.’’ –Florante at Laura

Hawiing saglit ang pantasya ng masa, kurtina ng pangarap at pag-asa tunghaying walang pagdududa…

Walang permanente sa mundo kundi ang salitang pag-ibig…dahilan ng pagkalikha ng sangkatauhan, magwasak ng mga hadlang, sisidlan ng nag-uumapaw na kaligayahan, di maipaliwanag na pakiramdam at solusyon sa kahinaan.

Para kanino ka bumabangon? Mga katagang hinimay ng balintataw, nagpaalala ng motibasyon sa buhay, naisip ang taong sa tuwina’y kanlungan na kalauna’y napagtantong iba na pala ang kaagapay. Katagang minsa’y pumupunit ng kalooban, nagpapakalam sa tiyan…bigla-biglang nang-iiwan.

Nagmahal.Nasaktan.Nag-move on. Dahil di maituturing na pag-ibig kung walang kaakibat na sakit. Maihahalintulad ito sa pagtaya, kinakailangang sumugal wala mang kasiguraduhan. Sapagkat hindi sa lahat ng oras ay magmimistula itong pulot-pukyutan o di kaya’y gatas na walang habas ang pag-agos at di-masukat kalagyan.

Kadalasa’y marapat na namnamin ang tinik ng pag-ibig. Tinik na dadalisay sa relasyong nanlulupaypay, tinik na tatakip sa kirot ng kahapon, at tinik na hahayaang magparaya.

‘’Kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin salamat at nandiyan ka.’’ –Juan Miguel Severo

Kung ako’y babanat ng isang hugot na mag-iiwan ng kakintalan, nanaisin kong sumambit ng hugot patungkol sa pag-ibig. Pinakamakapangyarihang sandata na tutubos at magpapalaya. Dahil ang pag-ibig ay higit na masusukat sa ipinapakitang gawa kaysa salita. Esensya ang presensya upang mapatunayang mahal ninyo ang isa’t-isa.

Ang proseso ng pagkukumpisal ay mataimtim na ginagawa at seryosong usapin, nasa dila ang kapangyarihan ng buhay at kamatayan kaya ang kaseryosohan ng pagbitaw ng mga katagang ‘’Mahal Kita’’ ay may kaakibat na katapatan at pagpapala.

Bola. (n) Minsan gamit sa sports. Madalas pag-ibig mo.

Ang Pag-ibig parang bulaklak. ‘Pag inalagaan, namumukadkad.

Sa Exam, tama na binago mo pa. Parang sa pag-ibig, nandyan na pinakawalan mo pa.

Tampulan din ng samu’t-saring nalikhang kasabihan at nagpabatid ang pananaw sa buhay—pag-ibig na walang hanggan.

Ang kadalisayan at kalabnawan ng konsepto ng pag-ibig ay mistulang nagbago na sa paglipas ng panahon. Dito mababanaag ang kahalagahan ng pagiging radikal ng pagkaunawa sa pag-ibig kung saan ay hindi naghahangad ng kapalit, handang magpatawad, burahin ang mantsa ng kahapon at higit sa lahat ay magbigay ng panibagong simula.

Pag-ibig, na Diyos ang may-akda. Sinlawak ng kalawakan, sinlalim ng tubig sa karagatan, mataas pa sa kalangitan.

Ngayon nama’y pasukin natin ang depinisyon ng pag-ibig na magpapalaya sa bawat pangungulila, pagod at ulos sa tuwina…

Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig
ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sariling kapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata sa lahat ng bagay.

Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas…

Mula sa aklat ng 1 Corinto 13:4-8💟

Exit mobile version