Huling Liham Para Sayo

Hindi mo na malalaman
Kung ilang beses akong tumingala sa langit upang hilingin ka sa mga tala
Kung ilang ulit ko pinakiusapan ang buwan na patuloy lang ngumiti dahil sabi mo sya ang iyong kanlungan sa tuwing ika’y nahihirapan

Hindi mo na malalaman
Kung paanong paulit-ulit kong itinaboy ang hangin na ibinubulong ang paglisan mo
At kung paano ako nakipagbuno sa mga alon sa dagat huwag lamang nila akong dalhin sa kabilang dako sapagkat ang sabi mo’y dito lang ako

Hindi mo na malalaman
Kung ilang sugat ang aking natamo sa pagpihit ng kwerdas makuha lamang ang tama nating tono
At kung ilang kanta ang aking binuo upang mapaghandaan ang pagbalik mo

Hindi mo na malalaman
Kung ilang tula ang isinulat na ikaw lamang ang paksa
O ilang ulit ipininta ang iyong mukha sa bawat pahina ng aking isipan

Hindi mo na malalaman
Kung ilang umaga ang hiniling kong magising sa mga bisig mo
At ilang gabi ang ninais kong matulog sa mga yakap mo dahil walang araw na hindi ko ginusto na manatili sa tabi mo

Hindi mo na malalaman
Sapagkat hindi ko na ipapaalam
Na hanggang sa huling salita ng liham na ito
Patuloy ang pag-agos ng luha
Patuloy ang paghikbi
Patuloy ang pangungulila

Pero hindi mo na malalaman
Dahil bibitiwan ko na ang mga pangakong iniwan mo
Na syang dahilan kung bakit hindi ako sumuko
Tatalikuran na rin ang mga alaala nating dalawa
At hindi na ipaglalaban pa

Nakakapagod palang humiling sa mga bituin at makiusap sa buwan
Magpapaanod na lang sa mga agos at hahayaang tangayin ng hangin ang mga pangarap na sabay nating binuo
Hindi na rin muling susulat para sayo o isasabay ang musika sa kumpas ng ating puso
Wala na itong tugma, lumipas na
Kaya’t sasanayin na ang sariling na hindi ka na kasama

Hindi mo na malalaman
Sapagkat pagod na
Ito na rin ang huling mga salita
At tuluyang pamamaalam.

Exit mobile version