Isa, Dalawa, Tatlo : Kakayanin Mo

Ang hirap, ano? Ang hirap kapag puro sakit na lang ‘yong nararamdaman mo. Ang hirap kumilos, ang hirap maging normal. Bawat galaw mo may kasabay na atake ng anxiety. Aabot ka sa punto na kukuwestiyunin mo sarili mo bakit pinagdadaanan mo lahat ng ‘to, eh putang ina nagmahal lang naman ako. Aabot ka sa punto na gugustuhin mo na lang tapusin ‘yong buhay mo para matapos na din ‘yung paghihirap mo. 

Pero teka lang, ‘wag. ‘Wag mong tapusin ang buhay mo dahil lang sobrang sakit ngayon, hindi ka makabangon ngayon, hindi ka masaya ngayon. Hindi ka ba na-e-excite na bukas makalawa, magiging masaya ka na ng walang bahid ng kahit anong sakit na dinarama? Mas gusto mo bang mamatay ng lubog sa pighati kaysa sa mamatay ng lumulutang sa kaligayahan? 

Oo, masakit. ‘Wag mong sabihing hindi ko alam dahil hanggang ngayon, nararanasan ko pa rin ‘yan. Pero hanggang ngayon, lumalaban ako. Bumabangon ako, humihinga ako kahit suko na ako pero kailangan kong maging matapang. Kailangan kong lumaban araw-araw dahil hindi puwedeng hanggang sakit at galit na lang ‘yong mararamdaman ko. Gusto kong marating ‘yong araw na magiging masaya ako ng walang bitbit na sakit at galit. 

Hindi ka nag-iisa. Ang sarap mabuhay. Madaming nagmamahal sa’yo. Importante ka. Sabay tayong gumising araw-araw nang lumalaban. Sabay tayong bilangin ‘yong bawat araw na lilipas habang unti-unting nawawala ‘yong sakit. Sabay nating bitawan lahat ng galit. Sabay nating haharapin ‘yong araw na masasabi nating “Kinaya ko.” 

Exit mobile version