Isa kang bangungot.

Nagsimula sa isang panaginip. Inakalang ito’y isang pahiwatig na ikaw ay magiging parte ng aking masayang bukas.

Ngunit alam ko ngang hindi tayo pwede dahil pareho tayong may naiwan na minamahal na naghihintay sa ating pagbabalik.

Kaya nga hangga’t maari ay pinilit iwasan at ipagdasal na sana ay ang nararaman ko’y dala lamang ng mga bagay na nililikha ng aking isipan. Na sana’y ito ay isang paghangang walang malisya lamang.

Pero sadyang mapaglaro ang mga pangyayari dahil ikaw man din ay nagpapahiwatig na ng iyong damdamin gamit ang iyong mga kilos. Na syang lalo nagpagulo sa aking isipan at puso kung anong dapat isipin at maramdaman nito.

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan, at lalo lang tayo napalapit sa isa’t-isa. Hanggang dumating ang araw na ikaw ay umamin ng iyong damdamin. Ako man ay umamin din.

Masaya— oo at masaya tayo, pero araw araw ay inuusig ako ng aking konsensya dahil alam kong may dalawang tao tayong nasasaktan kahit di pa man nila alam.

Puno ng mga pangako at magagandang alaala ang baon ko nung umalis ako para bumalik sa lugar natin. Determinadong itama ang mali.

Ngunit anong nangyari? Ako’y iyong binitawan. Handa akong iwan siya para sayo pero hindi pala tayo parehas ng nararamdaman.

Hindi mo pala siya kayang iwan para sakin. Lahat ng pinakita at pinaramdam mo, hindi ko alam kung ano ang itatawag ko doon? Mga tanong sa aking isipan na kailanma’y hindi ko na makukuha ang sagot dahil nagpasya nalang tayo na mawalan ng komunikasyon.

Minahal mo nga ba ako? Sa tingin ko ay alam ko na ang sagot dito.

Dahil ba mali ang simula kaya hindi na pwedeng sumaya? Naisip ko nga na baka nga, hindi nagiging tama ang mali kahit sabihin mong “nagmahal lang naman ako”. Ang mali ay mali.

Tama nga sila, may mga tao na pinagtagpo pero hindi tinadhana na maging sila.

May mga panaginip na masaya at nakakahanga. Pero hindi sa katulad mo, nagsimula man sa magandang panaginip, pero natapos nalang na parang isang bangungot— ISA KANG BANGUNGOT.

Exit mobile version