Jeepney thoughts

Ang sulat na ito ay nabuo sa loob ng jeep kung saan ang sabi ni kuya driver ay ‘waluhan po tayo‘ pero kuya bakit siyam ang pinapaupo mo? Habang napabilang ako sa dami ng tao na nagsisiksikan sa loob ng masikip na rektangulo ay may naalala ako at sshare ko narin sa inyo na nung minsan ay may nakipagaway na driver na piso lang daw ang discount pag estudyante.

Oo, piso, napakaliit na halaga kung iisipin mo pero kuya pinagaral ako ng magulang ko para di maloko na ang 20% discount ay hindi palaging piso. Pag kulang ang binabayad ko kahit piso lang ay nagagalit kayo, pero kapag ako ay hindi niyo sinusuklian mas galit pa kayo. Hayyy nakuu ano ba yan di ko na nga nakuha sukli ko tapos kahit magalit ay inunahan pa ako. Piso na hindi ko mahingi kahit kanino, piso na di ko makuha pag sukli ko dahil pinagraramot niyo.

Magulang ko lamang ang nagpapaaral sa akin, in short isa akong palamunin, isang di mapagtantong nilalang ni hindi nga ako sigurado kung ako ba ay investment ba o expenditure lamang na nagpapataas ng gastusin sa aming bahay. Maliit lamang ang kinikita ng aking tatay, habang ang aking ina ay nagpapakapagod sa loob ng bahay, ang aking tita ang nagpapakain at nananamit sa akin ngayon dahil ako ay nakikitira sa kanila, pero kailan man ay di nila ako tinaboy, pero nararamdaman ko malapit lapit na hahahah ahhy.

Habang naglalakbay sa kalsada at ikaw ay nagagalit sa mga tao na bumababa at makulit na nagpapara sa mga lugar na bawal huminto dahil may nagbabantay na mga pulis at napapamura ka sa ibang mga jeepney na sumusulpot at sumisingit mula sa mga kanto akin nanamang naisip na ako ay may dalawang quiz pang haharapin dahil hindi nagsuspend at ako ay umasa na sana ay isa pa! isa pang araw na walang pasok dahil di ako nakapagaral.

Ahy napaka kapal siguro ng aking mukha kung inyong iisipin, isang estudyanteng palamunin at nagrreklamo ay hindi pa nakakapagaral, iha paano ka ggraduate niyan siguro ang gusto niyong sabihin. Atleast naka graduate na ako last year at ngayon ako ay nakatungtong sa fifth year, pero sana wag niyo akong husgahan na imbis na nagaral at nagbasa o nagpahinga ako ay nanuod lamang at humandusay ng buong araw. Ang ulo ko ay masakit, je mal a la tête nga sabi ni maam french, ahy isa nanamang palusot hindi ba?

Pero hindi ganun kadali ang magaral. Parang napakasakit ng iyong katawan pero marami pang labahan, parang ikaw ay may lagnat ngunit kailangan mo pang lumaban, parang ikaw ay may sakit pero may kailangan ka pang pasukan, dahil walang konsensiya ang iyong prof na matapang, walang puso nga kung maituturing pero atleast mabait naman kapag minsan, na kahit balak ka niyang ibagsak ay hindi naman harapan, ibabagsak ka lang paunti unti ng di ko namamalayan. Hala napahaba na ang aking sinasabi, nasa traffic ako ngayon eh pa Angeles at nalalapit na ang entec pero wala parin akong naaral, umaasa nalang at naniniwala sa kasama ko na nagsabi pati siya di pa nakakapagbasa pero alam ko na kahit papaano ay may alam na siya. Sige paalam na at ako ay magbabasa sa loob ng jeep na kanina ay siksikan ngayon lumuwag na pero stuck nanaman sa traffic sa kalsada, Bahala na kung late atleast pumasok, bahala na kung zero at least ay sumubok. Mwah salamat sa pagbasa ng litanya ng isang estudyanteng natulala sa loob ng jeep dahil sa traffic.

Exit mobile version