Kapag ex ka, dalawa lang yan,
Maglaho ka sa kanya nang tuluyan
Maging okay kayo na parang magkaibigan
Alin ang mas madali?
Ang maglaho. Tuluyang putulin ang nakaraan at ang ugnayan dahil pag naging magkaibigan pa kayo, asahan mo, hindi ka makakaligtas sa mga pahapyaw at malisya. Hindi magagarantiya na hindi magiging isyu na naging kayo, hindi mapapalagpas ang dahilan ng paghihiwalay nyo at hindi mabubura ang alaala at pakiramdam nung panahong nagmahalan kayo sa t’wing may magpapaalala nito gaya ng pinili nyong musika, palabas, pagkain, lugar na pinupuntahan o kahit anong bagay na may alaala ng masayang nakaraan.
Hindi rin mabubura na kapag ex ka, may intindihan pa rin. May pasintabi, may tingin na pasyensya na sakaling kaharap ka ng kasalukuyang minamahal.
Pag ex na, may review pa rin gaya nang; nung tayo dati ganito ba yun? naramdaman mo rin ba na ganito etc etc
May paalala pa rin na “Basta wag sya ha,” o kaya “Alam mo naman na importante ka at di na mawawala yun, concern lang ako pero dapat…”
‘Pag kaibigang Ex ka, may yakap na may tagal at may hawak ng kamay na may higpit. Mayroong mga body language na nag-uusap na nagpapaalala na “Huy, alam ko naiintindihan mo ko, na ang sandaling ito ay tungkol sa atin”
Hindi kaya ‘pag may ganun sa mag Ex, inilalapit mo lang ang sarili mo sa tukso? O muli ka nitong binabalik at nililito? Hindi ba pag nagdesisyon na kayong maghiwalay; dapat wala ng pakiramdaman at complete the lines. Wala ng yakap, buntung hininga, tapik sa balikat, pisil sa braso o hagod sa ulo na nagsasabing “minsa’y naging tayo.”
Hindi ko sinasabing maging kaaway ka, ang sinasabi ko lang, maging patas ka sa kasalukuyan mong karelasyon. ‘Wag mo ng bigyan ng pagkakataong gisingin pa at guluhin ang mga pusong nagdesisyon nang maghiwalay.
Ang ultimate goal ng Ex ay hindi maging kaibigan kundi mag move on. Hindi ang hanapin ang nawala kung hindi maghanap ng bago. Ex, tapos na. Basic naman di ba? One is to one, pag meron na, maghanap ng bakante.
Alam nating lahat na ang mas kinakatakutan ng isa sa relasyon ay hindi ang bago kundi ang Ex dahil may advantage na sya. May alam na sya sa pagkatao ng mahal mo.
I-flirt lang ang ex kung wala syang karelasyon. Pero ‘pag taken na, walang dudang may mali na. Tigilan ang pagpapayo, dahil ang ex ay laging suspect sa hiwalayan. Hindi mo namang gustong mangyari yun.
Isa pa, sa kwento ng hiwalayan, cliche na at mababa ang simpatya sa ex. Kontrabida ang Ex na nagmamabida. Ayaw mo naman sigurong hiniwalayan ka na, lumalabas pa na wrecker ka.
Ang ex na nakamove on, nagbloom, happy at naging successful ang may mataas na value. Sila ang formula sa mga soap opera at pelikula. Itaas mo ang value mo bilang Ex.