Kapag Kumulo na ang Tubig

Para sa mga hanggang ngayo’y nagtatanong pa ng kanilang halaga:

Isinaksak nang mariin ‘yung pampainit ng tubig.
Simula kaninang hapon mainit naman na rin ang panahon.
Nagbabadya ng malakas na pag-ulan sa hatinggabi pero
Naglakas pa rin ako ng loob maligo, gamit ang mainit na tubig.
Iba kasi ‘yung pakiramdam kapag mainit ang yayakap sa hubad kong balat.
Iba ‘yung pakiramdam kapag ako ang naghanda ng mainit.
Iba ‘yung pakiramdam, parang nangangahulugan ng pahinga.
Kapag kumulo na ang tubig ay nag-aanyaya ito ng pahinga.
Parang sinasabing “Alam ko, pagod na pagod ka na. Halika at pagpapahingahin kita sa yakap ko.”
Masayang anyaya.
Init.
Tubig.
Mainit na pahinga.
Mainit na yakap ngunit hindi malalapnos ang aking balat.
Hindi masasaktan ang aking dibdib.
Hindi bibigat ang aking likod.
Hindi mapapaso ang tubig sa sarili niyang init at saka ako bibitawan.
Yayakapin ako ng mainit na tubig nang dahan-dahan,
Oo
At hindi niya ako bibitawan.
Kapag napaso.
Kapag lumamig.
Kapag natapos akong maligo at naubos ang tubig.
Gusto ko ng pagibig na parang mainit na tubig na pampaligo.
‘Yung matapos akong kilalanin nang buo, ay hindi ako isusuko.
Bagkus ay dadaloy, hahaplos, manunuot at ‘di maghihikahos sa pagbibigay sa’kin ng ginhawa.
‘Yung pagibig na hindi magsasawang bigyan ako ng pahinga.
‘Yung pagibig na matapos akong daluyan ay kapayapaan ang iiwan sa ala-ala.
Kailangan ko ng pag-ibig na hindi natutuldukan ang pangungusap sa pagkilala.
Ang pagibig na dapat sa’kin ay ‘yung aalayan ako ng payapang gabing makakatulog ako nang mahimbing nang hindi nag-aalala kung bukas ay mainit pa ba.
Oo, kailangan ko ng pagibig.
Ngunit hindi pa dumarating.
Sa ngayon, mananatili muna ako sa mainit na tubig.
Sapat ito upang makatulog ako ngayong gabi nang mahimbing.
Bukas ulit.
Loobin.

PS. Kumulo na ang tubig. May kasabay na rin akong magkape. Ikaw?

Published
Categorized as Waiting

By Yasashii

Born on a sweet friday morning.

Exit mobile version