Kung Ano ang Lagay ng Puso Mo Ngayon

Isang katotohanan na ang puso ay hindi lamang marupok, kundi sadyang mapanlinlang.

Masyadong padalos-dalos kung magmahal.
Hindi nga mabilis, hindi naman din nagtatagal.

Pabago-bago ng nararamdaman, iba-iba pa ang mga gusto. Kung sino-sino ang natitipuhan, pinapansin kung sino-sino.

Kaya kung hindi man magtugma ang damdamin at isip, maaaring ikaw ang masaktan o baka ikaw pa ang makasakit.

Oh sadyang ang puso’y kay hirap pasunurin at kontrolin. Marami ng sugat ang pinagdaanan, subalit pinasusugatan pa rin.

Masyadong naging mapusok, ang puso’y naging kampante. Ang puso’y naging mayabang, suwail at makasarili.

Bakit nga ba ang puso tila kay bilis manghusga?
Ngunit kapag ito ang nahusgahan ang hirap kumalma.
Sa mga sitwasyong dumarating na mabigat sa pakiramdam, itong abang puso, sa kalungkuta’y lugmok na naman.

Subalit isang katotohanan na ang puso ay hindi palaging may pagkukulang, ito ay nakikiramdam tungo sa katuwiran at katotohanan.

Pusong mapagpahalaga, punung puno ng ligaya.
Ang puso na kahit pagod na ay nagpapatuloy pa.
Pusong maawain, pusong marunong mahabag.
Palaging may pagtitiwala ang pusong hindi nababagabag.

Pusong mapagmahal,pusong tumitingin din sa puso ng iba.

Pusong hindi nanghahamak, pusong tumitibok lamang sa iisa.

Hindi nagpapaloko at hindi kayang manloko.
Pusong nagseseryoso, totoong puso na dapat meron tayo.

At kung ano ang lagay ng puso mo ngayon ay iyon ka.
Hindi ito maiiwasan, hindi mo maikakaila.
Kaya sa mga panahon na ang puso mo’y gulong-gulo,
kausapin mo ang Panginoon na ayusin Niya ito.

By Jedidiah

Educator | Public speaker | Blog writer

Leave a comment

Exit mobile version