“Hi Miss.. na kita,”
Isa pang banat ay baka mabanatan
ka na,
Madalas na kumukunot ang aking noo
sa iyong mga sinasalita,
Ilang ulit ka na ngang nabara
Tila di nagsasawa,
Sa mga nakaraang araw di ka ba nasusuya,
Kasi ako nauumay na.
Nagsasawa na ako sa iyong mga pagbati sa umaga,
Ayoko na ring sa gabi ang iyong mensahe ay makita,
Pagod na akong marinig ang tatlong salita,
Nahihirapan na ako sa tuwing ikaw ay nakakasama,
Aaminin ko na,
Nahihirapan na akong itago ang saya,
Pagod na akong habulin ang tibok ng damdamin
tuwing binabanggit ang tatlong salita,
Ayoko nang mabasa ang iyong mensahe at
Nagsasawa na akong sa telepono lamang
ang pagbati sa umaga,
Gusto kong ang iyong mga ngiti sa personal
ay makita,
Gusto ko rin sanang sabihin sa’yo
kung gaano rin kitang namiss,
Kahit kanina lang naman tayo naghiwalay
ay hindi kita matiis,
Nais ko sanang makasabay ka sa almusal
at meryenda,
At sabihin kung gaano ako kasaya nang dumating ka,
Bawat pagsuyo ay pinapakinggan,
Bawat pagpapahayag ng damdamin
ay nais na suklian,
Bawat awitin mo ay nais na sabayan,
Ngunit mali ang tyempo ng ating mga nararamdaman.
Dahil hindi sa lahat ng pagkakataon
ay dapat masunod ang damdamin,
Marami ka pang lalakaran,
Marami pa akong lalakbayin.
Hindi magkatagpo ang landas
na ating tinatahak at tatahakin,
Ang bungang hindi pa hinog ay maasim
kung pipilitin.
Ang ating agwat ay hindi pa pwede sa ngayon,
Kung pagbibigyan
Baka sa ibang oras,
Baka sa ibang pagkakataon.