Liham para sa Mga Walang Romansa sa Pebrero

Mahal kong sarili,
Marahil,mahirap para sayong pagmasdan ang tanawin ng romansa sa pagitan ng mga taong makakasakay mo sa dyip,grab,fx,lrt,mrt,bus,at traysikel o makakasabay mo sa lansangan,eskinita,tawiran o overpass. Mahirap din para sayong pigilan ang gunita ng isip na “Sana All” habang pinapanood ang mga naglalampungan na tao sa harap mo na tila pag-aari nila ang mundo. Hindi mo mapigilan ang pusong ‘di malumbay sa tawag ng romansa sapagkat,pagod ka nang manatiling mag-isa o marahil,nais mo lang sumabay sa agos ng pag-iibigan ngayong pebrero. Sarili, hayaan mo lang sila.

Hayaan mo lang sila na inggitin ka sa romansang hindi mo taglay sa ngayon. Hayaan mong paligiran ka ng mga nilalanggam na pag-iibigan dahil hindi lahat ng asukal ay matamis,may pagkakataong nililinlang lamang nila ang iyong mata sa kung ano ang tunay na sitwasyon ng kanilang damdamin.

Hayaan mong paligiran ka ng iba’t-ibang rosas na tangan ng mga kababaihan at kalalakihan sapagkat, ‘di lahat ng pag-ibig ay mararamdaman sa bungkos na bulaklak, sa ganda ng anyo at bango ng halimuyak nito dahil habang tumatagal, unti-unting dadatal sa kanila ang nakakubling tinik dito na siyang tutusok at bubutas sa pusong nag-umpisa ng pag-iibigan nilang dalawa. Kaya ang lahat ng kaakit-akit ay sa una lang may alindog, tulad ng banyuhay ng mga kagamitan dito sa mundo.

Hayaan mo rin na paligiran ka ng masasarap na tsokolate,malinamnam na keyk at naggagandahang mga regalo. Sarili, ‘di mo kailangang managhili sa pisikal na bagay na kaya mo namang bilhin dahil ‘di lahat nang nagbibigay ng “Effort” ay nagmamahal,sinisilaw lang sila sa dami ng kaya nilang ibigay sa tao para sila’y mahalin. Tama ka,mas unang pinapahalagahan ang mga pisikal na bagay at sumusunod na lamang ang busilak na layunin ng puso dahil, kaakibat ng tunay na pagmamahal ay mga regalo,rosas at tsokolate.

Kaya, mapalad ka Sarili,wala kang romansa sa pebrero. Hindi dahil wala kang taglay na alindog o kagandahan o kaya naman pihikan ka sa nakapaligid sa’yo,kundi hindi mo nais na kontrolin ka ng lipunan. Sarili, nais mo lang bigyan ng pagkakataon ang iyong puso na makahanap ng karapat-dapat na tao na iibig sayo,na hindi ka pamamanghain sa dami ng salapi at sisilawin sa mga regalo at ari-arian niya para lang sungkitin ang ang nilalamig mong damdamin.

Sarili maswerte ka rin, malaya kang iibig kahit kanino nang hindi nasasaktan at umaasa sa pagmamahal ng iba dahil matapang ka.Kaya mong intindihin ang mga makikitid na pag-iisip ng mga taong ito, na pinipilit kang itali sa ideya na kailangan mong magkaroon ng minamahal para daw hindi ka mapag-iwanan ng panahon,para matawag kang nagmamahal,para masabing masaya ka,tingin mo ba romansa lang ang kayang magpasaya sa’yo? Sarili,ibinabagsak ka nila sa mundo mo.Kinokontrol nila ang pag-iisa mo.Huwag mong hayaang balutin ng pag-aalala ang iyong damdamin dahil hindi lang naman nakakulong ang Valentine’s Day sa pagitan ng dalawang nag-iibigan. Alalahanin mo, ‘di mo kailangang mangimbulo sa sitwasyon nila dahil nand’yan ang iyong pamilya,kaibigan,alagang hayop mo o maging ikaw. Bago mo ibigin ang iba,umpisahan mo muna sa’yo, dahil pag-unawa lamang sa sarili ang daan upang maintindihan na ang repleksyon mo sa lipunan ay ‘di lang para magmahal at mahalin,kundi magpamalas din ng kahalagahan sa iyong sarili.

Huwag mong madaliin ang lahat dahil sa buwan ng pebrero. Hindi mo kailangang mainggit sa larawang nakikita mo sa social media dahil nagbibihis lamang ang kalungkutan ng pag-iisa sa imahe ng kasiyahan. Alam kong mahirap para sayo ‘to, ang maghintay ng walang kasiguraduhan pero ang pihado lamang ay nasa tama kang tao.Sarili,tataglayin mo rin ang romansang magbibigay sa’yo ng araw-araw na pagmamahal,na natagpuan mo bunga ng paghihintay sa tamang panahon at hindi sa ugat ng mga taong kinaiingitan mo. Makikilala mo rin siya,tiwala lang.

Nagmamahal,
Ang iyong Motibasyon

Exit mobile version