Lihim Na Pakiusap

Nakita kita mula sa malayo
Nakita ko rin kung paano kumunot ang iyong noo
Bakas sa iyong mukha ang kalituhan
Marahil ay nagtataka ka kung bakit ako’y nakatitig sayo
Ganoon din ang tanong ko sa aking sarili
Ni sa hinagilap
‘Di ko na inakala ang ganito
Distansyang nakapagitan sa’tin ay hinawi ng mga alaala
Kasama ang mga pagkakamali sa nakaraan
At ang bakas ng mga naiwang pangako
Na tanging itinira ay mga matang puno ng pangungulila.
Uni-unti, nabuhayan ako ng pag-asa
Nang maramdaman ko ang marahan mong paglapit sa aking direksyon,
Di ko malaman ang gagawin
Kaya nagkunwaring iwas ng tingin
At sa lihim kong pagyuko
Natanaw ko ang pagliwanag ng iyong mukha
Dala ng kasiyahan sa pagkurba ng iyong mga labi
“Sa wakas” usal ko sa aking sarili
Ngunit parang may kakaiba sa nangyayari
Dahil ang tingin mo ay nasa aking tabi
Magandang binibini
Makinis at maputi.
Ako’y biktima ng sarili kong akala
Isang alamat
Na nagwakas sa pagiging sawi.
Ikaw
Pati na ang magulo mong buhok
Kasing gulo ng nararamdaman ko ngayon
Alam mo bang laman ka ng mga isinusulat ko?
Bawat salita
At linyang maisip nitong lutang kong utak
Ay inaalay para sayo lamang
Pakiusap, tapunan mo naman
Kahit na tipid na ngiti
O kalahating sulyap minsan
Itong puso ko na ikaw lang ang palaging hanap.
“Pakiusap” piping dasal ng lihim na umiibig.

Words: Richen Repolles
Photo: Ray Angelo Duaso

Exit mobile version