Limang Pandama

Naririnig mo ba ang mga panaghoy?

Mga tinig mula sa mga sikmurang kumakalam,

Awit na walang kasiglahan,

Mga salitang tila di alam ang patutunguhan.

 

Nakikita mo ba ang kawalan ng pag-asa?

Na ang lansangan ang tinuring na tahanan,

Ang buwan ang nagsisilbing ilaw,

Pampawi sa buhay na puno ng kadiliman.

 

Nalalasahan mo ba ang pait ng paghihirap nila?

Na sa bawat araw luha ang kanilang ulam,

Pagtitiis ang kanilang tinapay,

Habang ang mga pangarap ay dahan-dahang namamatay.

 

Naamoy mo ba ang baho na mula sa lugar nila?

Sumisiksik at doon tumira,

Mag-aral sa upuang butas butas na,

Maligo sa ilog ng basura.

 

Nadarama mo ba ang paghihirap nila?

Ang bawat latay sa kanilang mga kamay,

Ang bawat sakit ng kasukasuan,

May maihain lang sa hapag-kainan.

 

Naririnig, nakikita, nalalasahan, naamoy, nadarama,

Ni isa ba sa limang pandama’y may ginamit ka?

Bakit ganito parin ang kalagayan nila?

“Dukha” na lamang ba ang tanging pangalan nila?

Exit mobile version