Paano tayo magtatagpo kung palagi kang nagtatago?
Paano natin masasabi kung palagi kang nananahimik?
Paano mo malalaman kung hindi mo inaalam?
Naaalala mo pa ba yung pangako mo sa akin?
Naaalala mo pa ba yung mga katagang iniwan mo sa akin?
Naaalala mo ba yung mga panahong sinabi mong ikaw lang at ako hanggang dulo?
Mga alaala na nagbibigay buhay sa atin noon na nagbibigay ng bigat sa akin ngayon
Hanggang kailan?
Hanggang kailan ka magbubulag-bulagan?
Hanggang kailan ka magbibingi-bingihan?
Simula pa lang pinatunayan ko na sa’yo kung gaano kita kamahal
Araw-araw pinapaalala ko sayo
Gabi-gabi pinaparamdam ko sayo
Saan ako nagkulang?
Sa bawat pagsubok mo ay kasama mo ako
Sa bawat pagtakbo mo ay kasabay mo ako
Sa bawat pagiyak mo ay ang pagpahid ng mga palad ko sa luha mo
Naaalala mo pa ba noong gusto mo ng sumuko?
Naaalala mo pa ba noong pakiramdam mo walang nagmamahal sayo?
Naaalala mo pa ba noong gusto mo ng maglaho na lang sa mundo?
Masakit
Mahirap
Nakakapanlumo
Masakit para sa akin kasi nasasaktan ka
Mahirap para sa akin kasi nahihirapan ka
At nakakapanlumo kasi hindi mo ako naalala
Sa bawat paghihinagpis mo ay kasabay ng paglapit ko sayo
Sa bawat pagiyak mo ay kasabay ang pagyakap ko sayo
Sa bawat paglayo mo ay ang paghabol ko sayo
Naaalala mo pa ba,
Nung tayo pa lang dalawa at wala pa sila?
Nung ako pa lang ang nagpapasaya sayo at wala ng iba?
Nung sinabi mo sa aking “ikaw lang sapat na, sobra pa”
Hindi pa ba sapat?
Hindi pa ba sapat ang sakripisyo ko para sa’yo?
Kulang pa ba?
Kulang pa ba ang mga latay na tinanggap ko para sa’yo?
Kapos pa ba?
Kapos pa ba ang mga dugo na tumagas mula sa aking katawan mailigtas ka lamang?
Anak, na’saan ka na?
Mahal kita, bumalik ka na!