“Pangako, walang iwanan at walang sukuan”
eto yung mga salita na ang sarap pakinggan kahit walang kasiguraduhan
Mga salitang ang daling bitawan, kilos na ang hirap panghawakan
Minsan naiisip mo, ang lahat ba ay may patutunguhan?
Di naman kasi sa lahat ng oras puro lang saya
Matagal ko nang alam na sa relasyon, minsan masasaktan ka
Pero bakit kahit anong pinagdaanan tila nabalewala
Akala ko matapang na pero bakit ngayon nahihirapan pa?
Huwag ka naman maging makasarili, damdamin ko ay napapagal
Di lang lagi ikaw iisipin sapagkat pagod ko ay tila nakakahingal
Sa sitwasyon na ako na lang ba ang laging kikilos para sa’yo
Teka, mahal mo ba talaga ako?
Hayaan mong mga hinaing ko ay iyong malaman
Upang kahit paano sakit na nararamdaman ay mabawasan
Nakakapagod maging matapang
Lalo na kung nag iisa akong lumalaban.
Mahal kita kahit ang sakit na
Na laitin ng paulit ulit ng taong sayo ay mahalaga
Di ko maramdaman na kakampi kita
Lalo na kapag siya na ang nagsalita, tumitiklop ka.
Oo at siya ang sayo ay nagluwal
Ngunit alam natin na walang mali kung ikaw ay magmahal
Hindi ba ako karapat dapat na ipagtanggol mo,
lalo na at alam mo kung gaano kasakit ang mainsulto?
Mahal kita kahit ang sakit na
Dasal ko lang talaga, huwag dumating ang pagod sa aking mata
Kung saan wala na akong iluha at wala ng maramdaman
At ang kasunod noon ay ang salitang paalam.
Mayroon bang tamang oras o dahilan na dapat isaalang alang
Upang alisin sa isip at puso ang sakit na nararamdaman?
Mahal ko, ako naman ay iyong pakinggan,
Ang sakit sakit na, pakiusap ko ay iisa, ako naman ay ipaglaban.