Mahal, Minamahal, Minahal

Mahal, bakit?
Ang haba ay naging saglit
Ang ganda ay biglang pumangit
Ang tamis, nabahiran ng pait
Hinarap lahat ng balakid
Pero, ako’y tuluyan paring pinagpalit

Mahal, paano?
Humantong sa ganitong dulo,
Humarap sa bagong yugto
Di alam saan tutungo
Ika’y tuluyang nagbago
Nawalan ng lugar sa iyong mundo.

Mahal, ewan.
Kasiyahan natin noo’y walang hanggan,
Pagmamahalang magpakailanpaman,
Tuluyang nabalot ng kalungkutan,
Ngayon umabot na sa sukdulan,
Ako’y tuluyan nang mong iniwan.

Mahal, mahal na mahal kita.
Sa kabila ng mga hapding nadarama.
Mga luhang tila wala ng ititila pa
Sama ng loob na umaapaw na
Heto ako tuluyan pa ring umaasa
Sigaw ng puso, ikaw pa rin talaga.

Mahal, patawad.
Wala na tayong iuunlad
Dahil tila ikaw ay bumaliktad
Pag iintindi ko’y iyong isinagad
Kaya pasya’y wag iusad
Noon at ngayon di na magkahalintulad.

Mahal, salamat.
Sa pagmamahal na dating tapat
Di na makayanan sa sobrang bigat.
Sakit ay di na maikibit balikat
Nag iwan ng napakalaking sugat
At pang habang buhay na lamat.

Mahal, bitaw.
Wala nang kwenta ang pag balik-tanaw
Ikaw ang siyang naunang maligaw
Mga gawai’y lumubog-lumitaw
Kaya’t Ako’y biglang napukaw
Na hindi kailangan ang isang ikaw

Mahal, paalam.
Marahil ito na ang mainam,
Tama na ang mga oras na hiram,
Itigil na ang pakikipagpanayam,
Wala ka nang dapat ipaalam,
Ang dating tayo’y tuluyan ng namaalam.

Exit mobile version